LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE — Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang tuluy-tuloy na pagsusulong ng mabilis at mahusay na serbisyong pangkalusugan para sa bawat Pilipino.
Patunay dito, ani Marcos, ang konstruksyon ng St. Bernadette Mother and Child Hospital na itatayo sa 3,794 kilometrong kwadradong lupa sa barangay Gaya-Gaya ng lungsod ng San Jose del Monte.
Sa kanyang mensahe, ipinahayag ng Pangulo na tutugunan ng pasilidad ang kakulangan sa hospital bed sa siyudad, at ang pangangailangang medikal ng mga residente.
Dagdag niya, mas mailalapit na ang mga pangunahing serbisyong medikal at mapapabilis ang paggamot sa mga nangangailangan.
Ang naturang Level 1 na ospital ay may 65 na kama, at iba pang mahahalagang pasilidad gaya ng operating room, recovery room, maternity and isolation facilities, clinical laboratory, imaging facility, at pharmacy.
Giit ni Marcos, isa ang St. Bernadette Mother and Child Hospital sa mga proyektong pangkaunlaran ng kanyang administrasyon na naglalayong magkaloob ng abot-kayang serbisyong kalusugan para sa lahat, partikular sa mga kababaihan at kabataan.
Samantala, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng suporta ng pribadong sektor at propesyong medikal sa pagsasakatuparan ng de-kalidad na serbisyo para sa mamamayan.
Aniya, mahalaga ang kanilang pakikibalikat sa larangan ng serbisyong medikal at pamumuhunan sa imprastrakturang pangkalusugan upang maabot ang mga komunidad na nasa malalayong lugar.
Hinimok din niya ang Kagawaran ng Kalusugan at lokal na pamahalaan ng San Jose Del Monte na magtulungan upang maitayo ang istruktura sa itinakdang panahon at itinakdang kalidad.
May inisyal na 50 milyong pisong pondo mula sa Health Facilities Enhancement Program ng General Appropriations Act of 2023 ang naturang istruktura.
Nasa 75 milyong piso naman ang pondo ng Phase 2 nito na nakatakdang magsimula sa susunod na taon.
Inaasahang magtatapos ang konstruksyon ng ospital, na may karagdagang pondong 250 milyong piso, sa taong 2025.
Source: PIA Bulacan