MARILAO, Bulacan — Patay ang isang lalaki at isang babae na lulan ng isang motorsiklo matapos silang pagbabarilin ng ilang beses sa Barangay Lambakin sa nabanggit na bayan noong Martes ng madaling araw, (Abril 8).
Kinilala ng pulisya ang isa sa mga biktima na si “Edwin,” residente ng Northville 4B, Barangay Lambakin, Marilao, Bulacan. Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng babae na nasa edad 20.
Batay sa inisyal na ulat, nangyari ang pamamaril dakong alas-12 ng hatinggabi noong Martes, ilang metro lamang ang layo sa bahay ng lalaking biktima.
Nabatid na kalalabas lamang ng kanyang bahay ang lalaking biktima, kasama ang hindi pa nakikilalang babae nang biglang sumulpot ang salarin na sakay ng motorsiklo.
Bumaba sa isang itim na MIO motorcycle ang gunman na nakasuot ng long sleeves at face mask at bumunot ng kalibre 45 na baril at paulit-ulit na pinaputukan ang mga biktima.
Nagtamo ng malalang mga tama ng bala ang mga biktima na nagresulta sa kanilang agarang pagkamatay habang ang gunman ay tumakas patungong Meycauayan City.
Ayon sa Marilao Police, patuloy ang follow-up operations upang matukoy kung sangkot ang dalawang biktima sa anumang transaksyon ng iligal na droga sa lugar, lalo na matapos makuha ang 38 sachet ng shabu sa bulsa ng lalaking biktima.
Narekober din sa motorsiklo ng mga biktima ang kalibre .45 na baril at ilang drug paraphernalia. (UnliNews Online)