CAMP OLIVAS, Pampanga — Dalawang high-value individual (HVI) ang naaresto sa magkahiwalay na anti-illegal drug operations na isinagawa ng Police Regional Office 3 (PRO3) noong Sabado (Oct. 25), kung saan nasamsam ang kabuuang 145 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P986,000.00, at isang (1) caliber .45 na baril na may mga bala.
Sa Brgy. Pula, Talavera, Nueva Ecija, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Talavera Municipal Police Station (MPS) – Station Drug Enforcement Team (SDET) at Provincial Intelligence Unit (PIU), NEPPO bandang 3:10 a.m., na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang alias Rod, 29 taong gulang, high-value individual, at residente ng nasabing barangay.
Nakumpiska mula sa suspek ang 12 sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na humigit-kumulang 75 gramo, na may tinatayang halagang P510,000, at P500 marked money.

Samantala, sa Brgy. Bodega, Floridablanca, Pampanga, ay nagsagawa ng joint buy-bust operation bandang alas-3:15 a.m. ang mga operatiba ng SDEU Floridablanca MPS at 302nd RMFB3.
Naaresto sa operasyon si alias “Bukul”, 32 taong gulang, high-value individual, kasama ang 4 pang suspek na nakilala bilang alias “Jess,” alias “Ryan,” alias “Melvin,” at alias “Mariz.”
Nasamsam mula sa mga suspek ang tinatayang 70 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P476,000.00, isang Colt caliber .45 pistol na may magazine, at 4 na bala. (UnliNews Online)

