Tuesday, February 10, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsMga magsasaka, NIA malaki ang natitipid sa paggamit ng solar pump irrigation...

Mga magsasaka, NIA malaki ang natitipid sa paggamit ng solar pump irrigation sa Bulacan

SAN RAFAEL, Bulacan (PIA) — Malaki ang natitipid ng mga magsasaka at ng National Irrigation Administration (NIA) sa mga gastusin sa patubig partikular na ang mga benepisyaryo ng Kapatiran Solar Pump Irrigation System sa Barangay Sampaloc, San Rafael, Bulacan.

Sa ulat ni NIA Administrator Eduardo Guillen sa ginanap na diyalogo sa mga magsasaka kaugnay ng study visit ni Senate Finance Committee Chairperson Sherwin Gatchalian, inilahad niya na nasa 50 hanggang 90 porsyento ang natitipid sa paggamit ng renewable energy sa mga patubig.

Katumbas ito ng P2.2 milyon na natipid na gastusin sa kuryente noong 2024 at P1.2 milyon na natipid noong 2025.

Ang 115 solar panels na ikinabit dito ay may kapasidad na 60 kilowatt-peak na pinakikinabangan ng nasa 200 ektaryang sakahan ng palay sa mga barangay ng Sampaloc, Caingin, Capihan, Tambubong, Ulingao at Pinacpinacan.

Ayon kay Ulingao-Pinacpanacan Irrigators Association President Apolinario Valderema, malaking katipiran ang proyekto na maaaring magamit pa para sa pagpapalago ng sakahan at iba pang pamumuhunan sa iba pang kagamitan at kasangkapang pangsaka.

Taong 2021 nang buksan ng NIA ang operasyon nitong Kapatiran Solar Pump Irrigation System na nilaanan ng ahensiya sa halagang P28 milyon.

May laking 1,807 meters ang ginawang concrete canal at 2,100 meters na earth canal.

Kaugnay nito, isinusulong ni Guillen na pondohan pa ng pamahalaang nasyonal ang karagdagan pang mga solar-powered irrigation facilities sa buong bansa.

Ayon kay Senador Gatchalian, suportado niya na makakuha ng nararapat na pondo ang NIA na ipapasok sa 2027 National Expenditure Program.

Ito’y upang maging lubos ang pag-agapay sa mga magsasaka at maging tuluy-tuloy ang magandang produksiyon ng palay sa lalawigan. (UnliNews Online)

PHOTO CAPTION:
Malaki ang natitipid ng mga magsasaka at ng National Irrigation Administration (NIA) sa mga gastusin sa patubig partikular na ang mga benepisyaryo ng Kapatiran Solar Pump Irrigation System sa Barangay Sampaloc, San Rafael, Bulacan. Iyan ang iniulat ni NIA Administrator Eduardo Guillen sa ginanap na diyalogo sa mga magsasaka kaugnay ng study visit ni Senate Finance Committee Chairperson Sherwin Gatchalian. (NIA)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News