CAMP GEN. ALEJO S. SANTOS, Bulacan — Naaresto ng mga operatiba ng Pandi Municipal Police Station ang isang lalaki kaugnay sa insidente ng robbery (hold-up) at paglabag sa Republic Act 10591 kamakailan sa Brgy. Bagong Barrio, Pandi, Bulacan.
Base sa ulat ni P/Lt. Col. Sean C. Logronio, acting Chiep of Police ng Pandi MPS, kinilala ang naarestong suspek na si alias “Mar,” 45 taong gulang at residente ng Brgy. Bagong Barrio, Pandi, Bulacan.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pumasok ang suspek sa isang eatery at nagdeklara ng hold-up, kung saan tinangay ang cellphone ng isang biktima at halagang P1,020.00.
Habang nagsasagawa ng anti-illegal gambling operation ang mga intel operatives ng Pandi MPS sa nasabing lugar, napansin nila ang kaguluhan sa naturang establisimyento kaya agad silang rumesponde.
Matapos ang mabilis na pagtugis, naaresto ang suspek at nabawi ang mga tinangay na gamit, kabilang ang cellphone at pera ng nasabing biktima.
Narekober din mula sa suspek ang isang replica ng baril na Springfield Armory 1911 A1 cal. .45 at isang Mitsukoshi MC na kulay pula.
Ang suspek at mga ebidensiya ay dinala sa Pandi MPS para sa wastong disposisyon. (UnliNews Online)

