CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Sa patuloy na pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga, matagumpay na nagsagawa ng magkakahiwalay na operasyon ang mga operatiba ng Bulacan Police Provincial Office noong Lunes (Feb. 16) na nagresulta sa pagkakaaresto ng 16 na indibidwal at pagkakakumpiska ng hinihinalang shabu sa mga bayan ng Plaridel at San Miguel, Bulacan.
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Restituto E. Granil , acting Chief of Police Plaridel Municipal Police Station (MPS), isang suspek ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa Brgy. Sta. Ines, Plaridel, Bulacan bandang alas-1:00 ng madaling araw ng Pebrero 16, 2026.
Nakumpiska mula sa suspek 3 piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, kabilang ang buy-bust item, isang limang-daang pisong marked money, at isang motorsiklo na ginamit sa ilegal na transaksyon. Tinatayang may kabuuang bigat na humigit-kumulang 3 gramo ang nakumpiskang droga na may standard drug price na P20,400.00.
Sa isang operasyon pa rin sa bayan ng Plaridel, 13 indibidwal ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Lagundi, Plaridel, Bulacan bandang alas-5:15 ng madaling araw. Dalawa sa mga suspek ang nahuli sa aktong pagbebenta ng ilegal na droga, habang 3 ang naaresto dahil sa ilegal na pag-iingat ng hinihinalang shabu. Samantala, 8 indibidwal ang naabutan sa loob ng isang pribadong bahay na ginagamit umano bilang drug den at nahuling gumagamit ng ilegal na droga, kung saan nakumpiska rin ang hinihinalang shabu na may tinatayang humigit kumulang 6 na gramo na may tinatayang halaga na P40,800 at iba’t ibang drug paraphernalia.

Samantala, ayon kay P/Lt. Col. Voltaire C. Rivera, acting Chief of Police ng San Miguel Municipal Police Station (MPS), dalawang suspek ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Camias, San Miguel, Bulacan bandang alas-1:40 ng madaling araw.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang kabuuang 7 piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at nagkakahalaga ng P27,200, kabilang ang buy-bust item, at isang 1 pirasong limang-daang pisong marked money na ginamit sa operasyon.
Ang lahat ng mga naarestong suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang himpilan ng pulisya habang inihahanda ang mga kaukulang kaso para sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Ang mga nakumpiskang ebidensya ay isasailalim sa pagsusuri ng Bulacan Provincial Forensic Unit. (UnliNews Online)

