Wednesday, March 4, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsBulacan PDRRMO, pinangunahan ang mga aktibidad ng Fire Prevention Month ngayong papasok...

Bulacan PDRRMO, pinangunahan ang mga aktibidad ng Fire Prevention Month ngayong papasok na ang tag-init

LUNGSOD NG MALOLOS – Sa pagsisimula ng panahon ng tag-init at inaasahang pagtaas ng temperatura, pinangunahan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang obserbasyon ng Fire Prevention Month ngayong Marso bilang pagpapatunay ng pangako ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pagprotekta sa mga komunidad mula sa mga fire-related na insidente at iba pang panganib na dulot ng matinding init.

Tampok sa buong buwang pagdiriwang ang Fire Prevention Month 2026 Motorcade na ginanap noong Marso 1, 2026, na nagsilbing isang information drive sa buong lalawigan upang itaas ang kamalayan ng publiko hinggil sa kaligtasan laban sa sunog, pagbawas ng panganib sa mga tahanan, at mga hakbang sa pag-iwas, lalo na sa panahon ng tag-init kung kailan mas mataas ang posibilidad ng mga insidente ng sunog.

Bilang suporta sa pagdiriwang ng Fire Prevention Month, naghanda ang PDRRMO ng serye ng mga aktibidad sa kahandaan at mga capacity-building programs na isasagawa sa buong Marso 2026. Kabilang dito ang Basic Aquatic Safety and Rescue Training na nakatakda sa Marso 10–13, 2026, na gaganapin sa Malolos Resorts Club Royale.

Upang higit pang mapalakas ang kakayahan ng lalawigan sa pagtugon sa emergencies, isasagawa ang Technical Training on Chemical, Biological, Radiological and Nuclear (CBRN) mula Marso 16–20, 2026 sa PDRRMO Training Room, Capitol Compound. Susundan ito ng Communication and Flood Drill sa Marso 24, 2026, na gaganapin sa PDRRMO Operation Center, Capitol Compound.

Para naman sa pagpapahusay ng kakayahan ng mga operator ng emergency vehicles, itinakda ang Emergency Vehicle Operations Course – Ambulance Operations Training sa Marso 25–27, 2026 sa Angat MDRRMO sa Angat, Bulacan. Samantala, ang Conduct of Enhanced Local Disaster Risk Reduction and Management Planning – Training of Trainers ay gaganapin sa Marso 23–27, 2026 sa The Capitol Hostel, Capitol Compound.

Ayon sa PDRRMO, karaniwang tumataas ang bilang ng mga insidente ng sunog tuwing tag-init, labis na kargadong electrical systems, at hindi wastong paghawak ng flammable materials. Sa pamamagitan ng mga aktibidad na ito, layunin ng tanggapan na patatagin ang kahandaan ng mga institusyon at mapataas ang kamalayan ng komunidad hinggil sa fire prevention at disaster preparedness.

Namahagi rin ang mga kawani ng PDRRMO ng Information, Education and Communication (IEC) materials sa mga empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan at sa pangkalahatang publiko upang higit pang paigtingin ang kaalaman sa kaligtasan laban sa sunog sa antas ng komunidad.

Hinikayat ng PDRRMO ang publiko na aktibong makiisa sa Fire Prevention Month sa pamamagitan ng pagsunod sa fire safety practices, regular na pagsusuri ng electrical connections at appliances, at agarang pag-uulat ng mga posibleng panganib ng sunog sa kani-kanilang mga komunidad.

Para sa mga insidente ng sunog at iba pang emergencies, pinapayuhan ang mga Bulakenyo na agad tumawag sa 911 emergency hotline. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News