LUNGSOD NG MALOLOS — Mas mabilis at convenient na payment transactions sa mga palengke at tricycle ang hatid ng Paleng-QR PH plus program na inilunsad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) katuwang ang LGU Malolos, Department of the Interior and Local Government (DILG), at GCash nitong Wednesday (March 4) sa New Malolos City Hall Lobby.
Ang programang PalengQR PH Plus ay inisyatiba ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) bilang tugon sa patuloy na pag-usbong ng ekonomiya at dihitalisasyon. Hangad ng programa na akayin at makasabay ang mga maliliit na negosyante at mga miyembro ng TODA sa paggamit ng cashless payment para sa mas ligtas at mabilis na uri ng pakikipag-transaksyon.
Hinikayat ni Abgdo. Olivia B. Cornejo-Mallari, Area Director ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Cabanatuan Branch ang mga negosyante at mga TODA sa Malolos na simulan na ang paggamit ng mga cashless transaction.

Ayon pa kay Mallari, “Sana kayo po ay aming makasama sa digitalization dito sa Malolos, dahil ang Malolos is not just a Capital of Bulacan, Malolos is a SMART City na po.”
Nagpakita ng suporta sa paggamit ng cashless o QR-based transaction ang pangulo ng JODA-Robinson Route na si Romeo Adriano, saad niya “Hihikayatin ko po ‘yung mga driver na gumamit ng QR, kasi po may mga senaryo po na sinasabi bayad na raw sila, may sukli pa raw sila pero ang totoo wala naman po talaga. Sa pamamagitan po ng QR malalaman po namin kung bayad na po, tsaka po sa QR sakto na po kasi ang ibabayad nila, mas ligtas po.”
Sa pamamagitan ng cashless o QR-based transaction, makakasiguro na mabilis, maginhawa, at mas ligtas ang pakikipag-transaksyon ng mamimili at negosyante. Makatutulong din ito para maiwasan ang mga sakit na maaaring makuha sa pamamagitan ng pagpapasa-pasahan ng pera.
Sa buong Lalawigan ng Bulacan, ang Lungsod ng Malolos ang ikatlo (3) mula sa dalawampu’t apat (24) na Lokal na Pamahalaan na naglunsad ng PalengQR.PH Plus, isang patunay na ang Lungsod ng Malolos ay patuloy na sumasabay sa progreso at pag-unlad ng mabilis na mundo ng teknolohiya at dihitalisasyon.
Nakibahagi sa pasinaya sina City Administrator Joel S. Eugenio, Atty. Olivia B. Cornejo-Mallari – Area Director, Bangko Sentral ng Pilipinas, Cabanatuan Branch, Atty. Coco Chanel Garcia-Yap – Acting Provincial Director, DTI Bulacan, CLGOO VI Digna A. Enriquez – City Local Government Operations Officer, DILG, Florante Bautista – Market Master, Romeo Adriano – Pres. JODA-Robinson Route, at mga representante ng Market Vendors Association, TODA, at MSME Group sa Lungsod ng Malolos. (UnliNews Online)
Source: Malolos City Information Office

