Friday, March 6, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsBulacan, tinapos ang selebrasyon ng Buwan ng Sining sa pamamagitan ng ‘Sining...

Bulacan, tinapos ang selebrasyon ng Buwan ng Sining sa pamamagitan ng ‘Sining sa Hardin’

Nina Verna Santos at Allan Casipit

LUNGSOD NG MALOLOS — Tinapos ang isang buwang pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Sining sa Lalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng iba’t ibang uri ng sining sa tatlong araw na Sining sa Hardin: Bulacan Art in the Park na ginanap mula Pebrero 7 hanggang Marso 1 sa Mini Forest sa lungsod na ito.

Sa mensahe ni Gobernador Daniel R. Fernando, na binasa ng kanyang kinatawan na si James Santos, sinabi niya na mahalaga ang sining sa buhay ng bawat isa dahil nagbibigay ito ng kulay, saya, at sigla.

“Ang buhay po natin ay napapalibutan ng sining. Makikita ito kahit sa pang araw-araw nating pamumuhay. Makikita ito sa ating pananamit, sa mga graffiti sa pader, kahit po sa mga disenyo ng bahay at establishments, gayundin sa mga kababayan nating masiglang sumasayaw at kumakanta,” aniya.

Ibinigay din ng gobernador ang kanyang suporta sa mga Bulakenyong alagad ng sining upang maipagpatuloy nila at malinang ang kanilang talento at maibahagi ito sa mundo.

“Bilang tagapagtaguyod ng sining katulad ninyo, nakatataba po ng puso na makita na patuloy na nabubuhay at yumayabong ang sining sa puso ng bawat Bulakenyo lalo na sa ating mga kabataan,” dagdag pa niya.

Samantala, sinabi ni Department of Tourism Region 3 Tourism Operations Officer II Amiel Eldrich C. Peña na namumukod-tangi ang Bulacan sa rehiyon dahil sa makasaysayan nitong sining at masaganang kultura.

Dagdag pa dito, ipinahayag ng PESO Manager at Acting Head ng Cultural Affairs Division ng Lalawigan ng Aurora na si Virgilia Gomez ang kanyang paghanga sa Bulacan, ang lalawigang kinikilala bilang duyan ng sining at kultura sa bansa.

“Naniniwala po kami na ang ugnayan ng mga lalawigan sa larangan ng sining at kultura ay napakahalaga. Kapag nagkakaisa ang ating mga komunidad sa pagpapalago ng kultura, mas napapalakas natin ang turismo, ang kabuhayan ng ating mga artista, at higit sa lahat ang pagmamalaki natin sa ating pagka-Pilipino,” aniya.

Ilan sa mga nakiisang grupo ang Alyansa ng Sining Biswal ng Guiguinto, Artists Guild of Santa Maria, Artes Indios, Bahaghari ng Malolos, BulSU CAFA-Fine Arts, Bulacan Collective, Buntala Art Group, Focus Bulacan, Grocery, Lumina Art Group, Lunday Hagonoy Artists, Mananato ng Bulacan, Obanda Visual Artists, at San Rafael Art Kolektiv.

Nagtanghal rin ang iba’t ibang artista at grupong Bulakenyo sa entablado ng Tanghalan ng Sining at Kultura sa tatlong araw na programa. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News