Thursday, April 2, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsBulacan, agarang kumilos para tulungan ang apektadong mga sektor sa gitna ng...

Bulacan, agarang kumilos para tulungan ang apektadong mga sektor sa gitna ng National Energy Emergency

Nina Verna Santos & Allan Casipit

LUNGSOD NG MALOLOS — Bilang agarang tugon sa deklarasyon ng State of National Energy Emergency sa ilalim ng Executive Order No. 110, Series of 2026, nagpatawag ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ng isang Emergency Joint Full Council Meeting noong Marso 31, 2026 sa pamamagitan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), upang matiyak ang mabilis na pagpapatupad ng mga interbensyon na naaayon sa mga direktiba ng pamahalaang nasyunal, partikular na sa mga sektor ng transportasyon at agrikultura na labis na naapektuhan.

Ipinakita ni Gobernador Daniel R. Fernando ang kanyang malasakit makaraang kagyat na magkaloob ng tulong pinansyal sa mga tsuper ng pampublikong transportasyon mula sa kanyang sahod nitong Marso. Magpapatuloy ang personal na tulong na ito matapos niyang ilaan din ang kanyang sahod sa Abril upang masuportahan ang mga drayber na hindi nakabilang sa unang distribusyon.

Sa pakikipag-ugnayan sa mga pamahalaang lokal, iniutos ni Fernando ang agarang pagpapatupad ng unified assistance package alinsunod sa Executive Order. Kabilang sa komprehensibong tugon na ito ang pamamahagi ng mga food pack na naglalaman ng bigas at iba pang pangunahing pangangailangan, kasabay ng mobilisasyon ng provincial resources na naglalayong mapanatili ang kabuhayan ng mga apektadong manggagawa.

Iniulat naman ni Provincial Social Welfare and Development Officer Rowena J. Tiongson ang aktibong pakikipag-ugnayan sa 8,000 BFJODA at 11,000 TODA leaders, at binigyang-diin na ang tulong pinansyal mula sa pamahalaang nasyunal ay dadagdagan ng panukalang pamamahagi ng limang kilong bigas kada benepisyaryo mula sa lalawigan.

Upang matiyak ang tuluy-tuloy na daloy ng ayuda, inatasan din ni Fernando ang pag-activate ng provincial stockpile, alinsunod sa paglalabas ng kinakailangang resolusyon at mahigpit na pagsunod sa mga alituntunin ng Commission on Audit (COA) upang masiguro ang transparency at pananagutan.

Kaagapay ng mga panlalawigang inisyatiba na ito, nananatiling matatag ang suporta ng Pamahalaang Panalalwigan ng Bulacan sa Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolks Program (PAFFP), na inaasahang magbibigay ng mahalagang tulong pinansyal sa 23,593 kwalipikadong magsasaka at mangingisda sa buong Bulacan, na target maipamahagi bago matapos ang Abril.

Hinimok din ni Fernando ang mga lokal na punong ehekutibo sa buong lalawigan na paigtingin pa ang mga hakbang na ito sa kani-kanilang nasasakupan.

“Hinihikayat din ang lahat ng local chief executives sa buong lalawigan na magbigay ng suporta, maging ito man ay sa anyo ng gasolina, pinansyal na tulong, o iba pang mahahalagang kagamitan, upang mas mapalakas ang sama-samang pagtugon,” anang gobernador. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News