LUNGSOD NG MALOLOS — Tumanggap ng tulong pinansiyal mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang may 152 Bulakenyong biktima ng sunog kasabay ng pamamahagi ng assistive at medical devices na isinagawa ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) kaugnay ng buwanang distribusyon nito noong Lunes (Abril 6) sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito.
Ibinahagi ni Rosalie Acebron, 58-anyos na biktima ng sunog mula sa Lungsod ng Malolos, kung paano makatutulong ang inisyatiba sa pagbangon ng kaniyang pamilya mula sa insidenteng kanilang naranasan noong nakaraang Enero.
“Ang laking tulong po nito, kasi ‘yung mga nawala ko pong gamit, maaari ko pong mapalitan ulit sa ibibigay na tulong sa amin kahit papaano. Marami kasi akong nasunog na gamit gaya ng aparador namin, mga damit, washing machine, electric fan, mga unan, kumot,” aniya.
Ikinuwento naman ni Marissa Vasallo, 51-anyos mula sa Pulilan na humiling ng wheelchair, kung paano ito makatutulong sa kanilang pamilya, lalo na para sa kaniyang inang may kapansanan sa paningin na siyang makikinabang sa paggamit nito.
“Nag-request po ako na makahingi ng wheelchair para po sa nanay ko. Bulag po kasi siya, hindi po siya nakakakita at hirap po na makalakad dahil sa kalagayan niya. May 20 years na rin po niyang iniinda ‘yung kapansanan niya,” ani Vasallo.
“Napakalaking bagay po nito, kasi po dati nasa bahay lang siya. Ngayon kapag nagka-wheelchair siya, kahit papaano makakasama na siya sa amin kung saan man kami pumupunta,” dagdag pa niya.
Batay sa datos ng PSWDO, may kabuuang 115 biktima ng sunog ang nakatanggap ng 50 kilo ng bigas, emergency at hygiene kits, at tulong pinansiyal na nagkakahalaga ng P5,000 (bahagyang nasira ang bahay) at P10,000 (lubusang nasira ang bahay). Samantala, 37 Bulakenyo mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan ang nabigyan ng assistive at medical devices, kabilang ang wheelchair, nebulizer, glucometer, stretcher, tungkod, fetal doppler, at height at weighing scale.
Pinangunahan ni Gobernador Daniel R. Fernando ang pamamahagi at ipinahayag ang kaniyang pakikiramay sa mga benepisyaryo, lalo na sa mga nawalan ng tirahan dahil sa sunog.
“Ako po ay nakikidalamhati sa mga nangyari sa inyo. Next time po, maging mas mapagdoble ingat tayo lalo na kung iiwan natin ang ating mga tahanan, hindi rin naman po biro talaga ang magpagawa ngayon ng bahay. Pero higit diyan, ingatan po natin ang ating mga sarili, dahil ‘yung mga materyal na bagay, naipupundar, pero ang buhay na nadadamay, hindi na maibabalik,” aniya. (May dagdag na ulat si ALLAN CASIPIT)

