LUNGSOD NG MALOLOS — Umarangkada na sa nasabing lungsod ang pamamahagi ng Cash Relief Assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga lehitimong tricycle drivers na umabot ang bilang sa 4,832 na may prangkisa nu’ng Wednesday (April 8).
Pagtugon ito ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang maibsan ang naging pasanin ng mga tricycle drivers dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng ng pagtaas ng presyo ng krudo at gasolina na dulot ng lumalalang sigalot sa gitnang Silangang Asya.
Napuno ng mga Tricycle Drivers at Operators mula sa walumpu’t anim (86) na Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) sa Malolos ang Sta. Isabel Elementary School Covered Court, kung saan isinagawa ang pamamahagi ng National Cash Assistance for Transport Sector na nagkakahalaga ng Limang Libong Piso (P5,000.00).

Gaganapin sa mga susunod na araw ang iba pang batch na nakatakda sa ika-09 at ika-10 ng Abril 2026, sa parehas na oras at lugar.
Matatandaan na noong nakaraang ika-01 ng Abril 2026, nauna nang mamahagi ng Tatlong Libong Piso (P3,000.00) ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos bilang karagdagang tulong sa mga drayber sa lungsod.
Target matapos sa Abril 16 ang pamamahagi nito sa mga lungsod na susundan naman ng pamamahagi sa mga tricycle drivers sa buong lalawigan.
Samantala, magkakaroon naman ng ibang petsa ang pamamahagi ng Pamahalaang Nasyonal at Lokal sa mga tsuper ng jeep sapagakat ang mga ito ay nasa proseso pa ng berepikasyon. (UnliNews Online)
Source: PIA & CIO Malolos

