CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga ang naaresto ng mga operatiba ng Malolos City Police Station matapos ang matagumpay na buy-bust operation na isinagawa sa Brgy. Sumapang Matanda, City of Malolos, Martes ng madaling araw (Abril 14).
Nasamsam sa naturang police operation ang hinihinalang shabu na may tinatayang halagang P217,600 bandang ala-1:55 a.m.
Base sa ulat ni P/Lt. Col. Rommel E. Geneblazo, Chief of Police ng Malolos CPS, dalawang indibidwal na may kinalaman sa iligal na droga ang naaresto, isang 31 taong gulang, at isang 26 taong gulang, kapwa residente ng Brgy. 160, Libis Baesa, Caloocan City.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang tatlong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na ₱217,600.
Ang mga naarestong suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Malolos City Police Station habang inihahanda ang kaukulang kaso para sa paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na ihaharap sa Office of the City Prosecutor ng Malolos.
Patuloy ang pinaigting na kampanya ng Bulacan PNP laban sa ilegal na droga sa pangunguna ni P/Col. Jay B. Baybayan, Officer-in-Charge ng Bulacan Police Provincial Office, upang mapanatili ang kaligtasan ng mga komunidad at tuluyang mapigilan ang paglaganap ng ipinagbabawal na gamot sa lalawigan. (UnliNews Online)

