Friday, April 17, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsTESDA: Bawat repatriated OFW, aalalayang magkatrabaho muli o magka-negosyo

TESDA: Bawat repatriated OFW, aalalayang magkatrabaho muli o magka-negosyo

GUIGUINTO, Bulacan (PIA) — Pagkakalooban ng mga scholarship vouchers ang bawat Overseas Filipino Worker (OFW) na inilikas at ililikas pa mula sa Gitnang Silangan dahil sa digmaan.

Iyan ang tiniyak ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Secretary Jose Francisco ‘Kiko’ Benitez sa kanyang inspeksiyon sa sari-saring skills training sessions sa TESDA Regional Training Center sa Guiguinto, Bulacan.

Bahagi aniya ito ng mahigpit na direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na alalayan at subaybayan ang mga nailikas na mga OFWs na nawalan ng trabaho, hanggang sa magka trabahong muli o makapagpundar na ng sariling negosyo.

Magmumula ang pantustos dito sa P19 bilyon na inilaan sa TESDA mula sa pambansang badyet ng 2026 tulad ng training for work scholarship, special training for employment, tulong trabaho fund at iba pang training program.

Ipinagmalaki ng kalihim na ito ang pinakamalaki sa kasaysayan ng TESDA at mas mataas pa sa apat na porsiyento ng Gross Domestic Product ng bansa sa itinakda ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization o UNESCO.

Para sa mga nais makapagsimula ng negosyo, iprinisinta kay Benitez ang matatagumpay na mga Community-Based Training Program (CBTP) tulad ng mga likhang produkto ng mga persons deprived of liberty; agri-entrepreneurs; at micro, small and medium enterprises.

Layunin nitong gawing halimbawa at inspirasyon para sa mga OFWs na maaari rin nilang matamo ang tagumpay ng nasabing mga naunang sumailalim sa CBTP.

Aktuwal namang nasaksihan ng kalihim ang Training Induction Program para sa iba’t ibang skills training para sa inisyal na 25 mga OFWs sa ilalim ng Enterprised-Based Education and Training Program o EBET.

Nakapaloob dito ang pagiging scholar sa e-commerce operations and digital marketing.

Kasabay nilang nagsasanay ang 25 mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula sa bayan ng Paombong na kumukuha ng Shielded Metal Arc Welding o SMAW NC I.

Nasa 25 rin na mga OFWs mula Bocaue at Guiguinto ang sumasailalim sa Photovoltaic o PV Systems Installation NC II training at sa bag and leis making ng CBTP.

Isa sa mga bepisyaryo nito si Wilson Tuquero, 63 na taong gulang na dating OFW sa Saudi Arabia.

Ngayon aniyang umuwi na siya ng Pilipinas, batid niya na panahon na rin ng pagreretiro at ito na ang mainam na pagkakataon na gawing isang negosyo ang pagiging isang electrical at instrumentation technician.

Mayroon pang 15 benepisyaryo ng Training for Work Scholarship Program na kumukuha ng Dressmaking NC II.

Kaugnay nito, puno rin ng mga OFWs ang Korea-Philippines Information Technology Training Center ng TESDA Regional Training Center sa Guiguinto.

Sabay-sabay ang mga pagsasanay rito ng tig-25 na mga OFWs na isinasailalim sa Training on Cyber Security, Trainers Methodology Level I at 12 na mga OFWs ang kumuha ng Events Management Services NC III, Agroentrepreneurship NC II, at Heavy Equipment Operator-Forklift NC II.

Ipinaliwanag ni Benitez na ang pinaigting na pagkilos ng ahensya ay tugon sa umiiral na TESDA-Department of Migrant Workers Agreement tungkol sa pagtitiyak na magkakaroon ng panibagong trabaho o kabuhayan ang nailikas na mga OFWs.

Ito ay naaayon sa binuong Philippine Skills Framework kung saan kailangang malinaw kung anong skills ang kailangan at kanino nararapat ang isang partikular na skills.

Base aniya sa tala ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Philippine Statistics Authority na pinagbabatayan ng TESDA sa pagbalangkas ng istratehiya, nasa walo hanggang siyam na milyong trabaho ang nakabukas ngayon sa bansa.

Kung susuriin ani Benitez, kayang kaya nang mabigyan ng trabaho ang nasa dalawa hanggang tatlong milyong mga walang trabaho.

Ngunit dahil sa pagkakaroon ng job mismatch, hindi pa rin makapasok sa nasabing mga nakabukas na trabaho.

Kaya naman sa pamamagitan ng Philippine Skills Framework na tutugon sa usapin na ito, tututukan ang pagpapabuti ng kwalipikasyon at mga skills training sa mga prayoridad na industriya tulad ng engineering and semiconductor, tourism and hospitality, healthcare, information technology, construction, at renewable energy.

Samantala, iniulat din ni Benitez na palalakasin pa ng TESDA ang mga convergence programs sa iba’t ibang mga ahensiya upang matiyak na may pupuntahang trabaho o mapapasimulang negosyo.

Kabilang sa mga target ng TESDA na magkaroon ng convergence ang Integrated Livelihood Program ng DOLE, Sustainable Livelihood Program ng DSWD, mga programa ng Department of Trade and Industry sa mga MSMEs, mga tourism programs ng Department of Tourism, at mga programang para sa mga magsasaka ng Department of Agriculture. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News