NOONG dekada otsenta, tuwing pumupunta ako sa kaanak namin sa Gapan, Nueva Ecija, mula sa bintana ng sinasakyan kong bus ng Baliwag Transit ay tanaw na tanaw ko pa noon ang kagandahan ng Bahay na Pula, sa barangay Anyatam sa bayan ng San Ildefonso sa Lalawigan ng Bulacan. Buong buo pa ang makasaysayang bahay ng panahong iyon.
Pero kamakailan lang nang minsan mag cover kami sa isang political event sa Third District ng Bulacan, na nakasasakop sa San Ildefonso ay napansin ko na parang sinalanta ng malakas na bagyo ang hitsura ng Bahay na Pula. Wala na ang mga dinding na tabla at bubong at mga haliging kahoy na lamang yata ang natira sa nasabing bahay.

Nakaramdam ako ng panghihinayang at nagka interes tuloy akong magsaliksik tungkol sa istorya ng Bahay na Pula at napag-alaman ko na itinayo ang nasabing historikong bahay noong 1929 ng isang nagngangalang Don Ramon Ilusorio na nagmamay-ari ng malawak na asyenda sa nasabing lugar. Ang nasabing bahay ay gawa sa matitibay na tabla at kinulayan ng pinturang pula.
Ayon sa kasaysayang nasulat, ang Bahay na Pula ay ginawang pahingahan ng mga sundalong Hapones noong World War 2. Naging saksi ang nasabing bahay sa kalupitan ng mga Hapon at maraming babaeng Pilipina umano ang inabuso at ginawang parausan ng mga sundalong Hapones sa mismong Bahay na Pula. May mga turistang minsan ay binisita ang Bahay na Pula na kung saan ay nakaramdam sila ng kakaiba at sa kanilang pakiwari ay may mga hindi nakikitang nilalang na nagpaparamdam sa Bahay na Pula.
Dahil naging landmark na ng San Ildefonso ang Bahay na Pula, maraming Bulakenyo, partikular ng mga taga San Ildefonso na ma-renovate ang Bahay na Pula at wala opisyal ng gobyerno na nagtangkang ipaayos ang makasaysayang bahay.
Subalit nabuhay ang pag-asa ng mga mamamayan ng San Ildefonso dahil nabalitaan nila na bibigyang-pansin umano ni 3rd District Congressman Cholo Violago ang Bahay na Pula. Marahil ay may layunin ang kongresista na ibalik ang dating hitsura ng bahay na iyon dahil bahagi na ang kasaysayan ng Lalawigan ng Bulacan ang Bahay na Pula.
Ang mga mamamayan ng Distrito Tres ng Bulacan ay umaasa na gagawa ng paraan ang kanilang diputado para maibalik sa dating kalagayan ang Bahay na Pula, upang maging atraksyon itong muli ng mga turista. Alam ni Cong Cholo ang kahalagahan ng historical landmark ng barangay Anyatam, kaya sumasaludo sa kanya ang mga taga 3rd District ng Bulacan na maibabalik muli ang kagandahan ng Bahay na Pula, sa pamamagitan ni Kongresista Mark Cholo Violago. (UnliNews Online)

