LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Nagpositibo ang impormasyong natanggap ng mga tauhan ng Malolos PNP kaugnay sa lalaking nag-iingat ng granada matapos ipatupad ang isang Search Warrant ngayong Martes (Abril 21) sa Brgy. Santisima Trinidad sa naturang lungsod.
Base ulat ni P/Lt. Col. Rommel E. Geneblazo, Chief of Police ng Malolos CPS, bandang alas-6:00 ng umaga nang ipinatupad ng mga operatiba ang search warrant na inilabas ng Regional Trial Court Branch 81, Malolos City.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakaaresto ng suspek na si alias “Jojoy,” 25 anyos, matapos mahulihan ng hand grenade, fragmentation, MK2, na nakatago sa loob ng kanyang tahanan.
Ang operasyon ay isinagawa sa presensya ng mga halal na opisyal ng barangay at ginamitan ng Body-Worn Camera (BWC) alinsunod sa umiiral na alituntunin ng Korte Suprema. Maayos at walang insidenteng naisagawa ang implementasyon ng search warrant, at naipamahagi ang kaukulang dokumento sa mga saksi.
Ang nakuhang ebidensiya ay itinurn-over sa Bulacan Provincial Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit para sa tamang disposisyon.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 9516 (Illegal/Unlawful Possession of Explosives) laban sa suspek para sa pagsasampa nito sa Office of the Provincial Prosecutor sa Lungsod ng Malolos.
Sa pahayag ni P/Col. Jay B. Baybayan, Officer-In-Charge ng Bulacan Police Provincial Office, na patuloy ang pinaigting na kampanya ng kapulisan laban sa lahat ng uri ng kriminalidad, kabilang ang ilegal na pag-iingat ng mga pampasabog, upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa lalawigan ng Bulacan. (UnliNews Online)

