CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Naaresto ng mga operatiba ng Malolos City Police Station (CPS) ang isang hinihinalang tulak ng iligal na droga sa isinagawang buy-bust operation noong Martes ng gabi bandang alas-8:20 sa Brgy. Bangkal, City of Malolos.
Base sa ulat ni P/Col. Rommel E. Geneblazo, Chief of Police ng lungsod, kinilala ang naarestong suspek na si alias “Bituka,” 37 taong gulang, binata at residente ng Northville 8, Brgy. Bangkal, City of Malolos. Isinagawa ang operasyon kung saan isang undercover police ang nagsilbing poseur-buyer.
Sa operasyon ay nakumpiska mula sa suspek ang 5 heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang timbang na humigit-kumulang tatlong gramo at may Standard Drug Price na P20,400.00. Narekober din ang ginamit na buy-bust money na isang limandaang pisong bill.
Isinagawa ang pagmamarka, inventory, at pagkuha ng larawan sa mga nakumpiskang ebidensya sa lugar ng operasyon alinsunod sa Section 21 ng RA 9165, sa presensya ng mga kinatawan mula sa DOJ, media, at barangay.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Malolos CPS ang naarestong suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng RA 9165 laban sa kanya.
Ayon kay P/Col. Jay B. Baybayan, Officer-In-Charge ng Bulacan Police Provincial Office, patuloy ang pinaigting na kampanya ng Bulacan PPO laban sa ilegal na droga upang maprotektahan ang mamamayan laban sa epekto ng ipinagbabawal na gamot at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong lalawigan ng Bulacan. (UnliNews Online)

