Friday, May 8, 2026
Amana Water Park
HomeNational NewsMas malawak na imbestigasyon sa flood control probe itinutulak ni Cayetano

Mas malawak na imbestigasyon sa flood control probe itinutulak ni Cayetano

IGINIIT ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Martes na hindi dapat ituon ang atensyon sa partial report ng Senate Blue Ribbon Committee sa imbestigasyon sa flood control kundi sa kabuuang katotohanan ng isyu.

“Sa tingin ko, we’re making a mountain out of a molehill doon sa partial [report]. May opportunity tayo na ayusin ang ugat, hindi lang one-time, big-time,” wika ni Cayetano sa isang media interview nitong April 28 sa ocular inspection ng mga proyekto sa Taguig sa ilalim ng ugnayan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at lokal na pamahalaan.

Matatandaang ipinamahagi ni Senator Panfilo Lacson nitong nagdaang Pebrero ang draft o partial committee report ng Blue Ribbon Committee ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring sapat na pirma para maisalang sa plenaryo.

Ayon kay Cayetano, maaaring malimitahan ang imbestigasyon kung sa partial report lang iikot ang usapan, gayong marami pang bahagi ang hindi pa natatalakay.

“Ito lang ang tanong ko: why so much fuss about the partial [report] when we have the opportunity to have the whole and bigger picture?” dagdag niya.

Sinabi niya na may ilang senador na nakabasa na ng ulat pero hindi pa nagkakasundo sa ilang nilalaman nito kaya kailangan pa itong himayin nang mas mabuti.

“In fact, marami sa amin ang nakabasa na and we don’t agree with the report. Hindi sa ayaw naming pumirma, we [just] have a lot of disagreements there… That’s the beauty of having 24 senators – everyone can question,” wika niya.

Binigyang diin ni Cayetano na tuloy pa ang imbestigasyon at marami pang yugto ang daraanan habang mas maraming testimonya at ebidensya ang sinusuri.

“Ako personally, hindi pa tapos. Iniimbestigahan mo pa lang, marami pang yugto, marami pang nabubuksan,” wika niya.

Ipinunto rin niya na dapat maging maingat sa pag-frame ng isyu dahil maaaring hindi nito maipakita ang buong lawak ng problema.

“Ang unang naging problema is we didn’t start with the truth. ‘Di ba, from the start, sinasabi natin na hindi lahat ‘yan ghost [projects, pero] pinalabas na lahat ghost para mas maraming magalit. Ngayon, ina-admit nila na hindi naman pala lahat ghost,” wika ni Cayetano.

Dagdag niya, ang pabago-bagong pahayag at magkakaibang bersyon ng mga sangkot ay patunay na kailangan ng mas malalim at tuloy-tuloy na pagsusuri bago maglabas ng konklusyon.

Para sa Minority Leader, mahalagang makita ang kabuuang larawan ng isyu at hindi lang tumingin sa iisang bahagi ng ulat.

“Systemic y’ung corruption. Hindi ito isolated,” wika ni Cayetano.

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News