CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Naaresto ng mga operatiba ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng San Jose Del Monte City Police Station (CPS) ang isang babaeng hinihinalang sangkot sa iligal na droga sa isinagawang buy-bust operation Huwebes ng gabi (May 7) bandang alas-8:27 sa Brgy. Gaya-Gaya, City of San Jose Del Monte (CSJDM), Bulacan.
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Reyson M. Bagain, Hepe ng SJDM CPS, kinilala ang naarestong suspek na si alias “Jen,” 27 taong gulang at residente ng Brgy. Gaya-Gaya, CSJDM, Bulacan.
Nasakote ang suspek matapos magbenta ng hinihinalang marijuana kush sa poseur buyer sa isinagawang buy-bust operation. Nakumpiska mula sa suspek ang marked money, hinihinalang marijuana kush, local marijuana, at 9 na vape na may hinihinalang liquid marijuana juice na may kabuuang Standard Drug Price na P360,000.00.
Isinagawa ang inventory at pagmamarka ng mga ebidensya sa presensya ng mga witnesses bago dinala ang naarestong suspek at mga ebidensya sa SJDM CPS para sa kaukulang disposisyon. Inihahanda na rin ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 26, Article II ng RA 9165 laban sa suspek.
Sa pahayag ni PCol. Jay B. Baybayan, Officer-In-Charge ng Bulacan Police Provincial Office, patuloy na pinaigting ng Bulacan PPO ang kampanya laban sa ilegal na droga upang maprotektahan ang komunidad laban sa masamang epekto nito at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong lalawigan ng Bulacan. (UnliNews Online)

