PANDI, Bulacan — Tinatayang nasa P600 libong halaga ng ari-arian ang natupok matapos ang sunog na sumiklab sa isang warehouse sa Pandi Industrial Park sa Barangay Cupang sa nasabing bayan Sabado ng madaling araw (Mayo 9).
Ayon kay Pandi Bureau of Fire Protection chief FS Insp. Alejandro M. Genavia. ang kumpanyang tinupok ng sunog ay ang New Coco Industrial Corporation na pag-aari umano ng isang Michael Reyes Go.
Sumiklab ang sunog ng madaling araw at idineklarang fire out bandang 9:23 ng umaga (Linggo), dagdga pa ni Genavia.
Ipinakita sa inisyal na imbestigasyon na ang bodega ng mosquito coil ay matatagpuan sa Block 2 Lot 1 Pandi Industrial Park sa Barangay Cupang sa Pandi, Bulacan.
Umabot sa First Alarm ang sunog at rumesponde ang mga bumbero mula sa mga istasyon ng bumbero ng Santa Maria, Balagtas, Bustos, Bocaue at Bulacan Rescue.
Hanggang alas-2:00 ng hapon nu’ng Linggo, patuloy pa rin ang paglilinis sa pinangyarihan ng sunog at wala namang naiulat na nasugatan o nasawi sa naturang sunog. (UnliNews Online)

