CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Naaresto ng mga operatiba ng Bocaue Municipal Police Station (MPS) ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation bandang alas-12:20 ng tanghali noong Sabado (Mayo 16) sa tabi ng McDonald’s, Brgy. Lolomboy, Bocaue, Bulacan.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Gilbert C. Diaz, Chief of Police ng Bocaue MPS, kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Aeron,” 25 taong gulang at residente ng Brgy. Abangan Sur, Marilao, Bulacan.
Isinagawa ang operasyon ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Bocaue MPS na nagresulta sa matagumpay na pagkakaaresto sa suspek habang aktong nagbebenta ng ilegal na droga sa poseur buyer kapalit ng marked money.
Ayon pa kay Col. Diaz, sa operasyon ay nakumpiska ang 5 maliliit at 2 malalaking self-sealing transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang high-grade marijuana o “kush” kabilang ang buy-bust item, na may tinatayang kabuuang timbang na humigit-kumulang 75 gramo at may Standard Drug Price na P112,500.
Narekober din ang isang pirasong one-thousand-peso bill na ginamit bilang marked money, isang black belt bag, isang digital weighing scale, at isang Yamaha Aerox.
Isinagawa ang pagmamarka, imbentaryo, at pagkuha ng larawan sa mga nakumpiskang ebidensya sa lugar ng operasyon sa presensya ng kinatawan mula sa Department of Justice (DOJ), media, at barangay official alinsunod sa itinakdang proseso ng batas.
Ang naarestong suspek ay ipinaalam ang kanyang mga karapatang konstitusyonal habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 12, Article II ng RA 9165 sa Office of the Provincial Prosecutor sa Malolos City, Bulacan. (UnliNews Online)

