SA gitna ng ingay ng mundo at mga problemang nararanasan, may isang gabi sa Capitol Gym sa Lungsod ng Malolos, na nagpaalala sa atin kung bakit mahalaga ang sports sa buhay ng isang komunidad.
Kagabi, opisyal na nagtapos ang ACBL MAKATA CUP Basketball League. At hindi lang ito basta paliga. Ito ay patunay na kapag binigyan mo ng plataporma ang mga lokal na manlalaro, may lalabas na puso, galing, at pagmamalaki.
Sa Championship Game, pinakita ng Team ng Santa Maria kung ano ang ibig sabihin ng determinasyon. 87-62 ang naging final score laban sa Team ng Malolos Republic. Mula sa mabilis na fast break hanggang sa matibay na depensa, kitang-kita ang paghahanda at disiplina ng koponan. Hindi lang puntos ang napanalunan nila – napanalunan din nila ang respeto ng mga nanood.
At higit pang nagpasigla ng gabi ay ang presensya ni Bise Gob. Alex Castro sa awarding ceremony. Sa panayam namin sa kanya, malinaw niyang sinabi: “Tuloy-tuloy ang palaro sa Bulacan. Hindi dito magtatapos ang MAKATA CUP.”
Dagdag pa niya, ‘maaaring pickleball naman ang susunod na palaro’ na ilulunsad para mas marami pang Bulakenyo ang maengganyong sumali at makilahok sa sports.
Ibig sabihin, hindi lang basketball ang binibigyang pansin. Unti-unti, binubuksan ang pinto para sa iba pang laro na makakatulong sa kalusugan at pagkakaisa ng komunidad. Para sa mga kabataang Bulakenyo, ito ay malaking bagay. Kapag nakita nila na may lider na naniniwala at nagpapakita ng suporta, nagkakaroon sila ng dahilan para magpatuloy at mangarap.
Ang MAKATA CUP ay hindi lang tungkol sa tropeo. Ito ay tungkol sa mga gabing nagkakaisa ang pamilya, kaibigan, at buong barangay para manood, mag-cheer, at magdiwang. Sa panahon na madalas tayong nagkakawatak-watak, ang ganitong liga ang nagpapaalala na may mga bagay pa rin tayong pinagsasaluhan.
Pagbati sa Santa Maria, sa Malolos Republic, at sa lahat ng bumubuo ng liga. Kayo ang tunay na panalo. At sa mga susunod pang laro sa Bulacan – handa na ang Bulakenyo manood at sumuporta muli. (UnliNews Online)

