NANAWAGAN si Senate President Alan Peter Cayetano sa mga senador nitong Martes na hayaang magpatuloy ang trabaho ng mga komite nang “independent” sa gitna ng aniya’y mga pagtatangka para mabawi ang kontrol sa ilang mahahalagang komite sa Senado.
Sa kanyang Facebook livestream nitong Martes (June 2), sinabi ni Cayetano na hindi dapat malihis ang atensyon ng mga senador mula sa mga usaping higit na mahalaga sa mga Pilipino gaya ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, trabaho, kalusugan, edukasyon, at pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno.
“We are listening to you, we hear you, na ang pangunahing isyu ay trabaho, kita, ang pagtaas ng presyo, at ang araw-araw na kabuhayan ng ating kababayan,” pahayag niya.
“In the next few days, we will be announcing to you the hard work that we’re going to do in the different committees to help address inflation, problema sa production sa agriculture, y’ung mga walang pera sa pagpapagamot, the problems of K to 12, sa kabuhayan ng mga kababayan natin sa Middle East,” dagdag niya.
Ayon sa Senate President, ginagawa ng Mayorya ang mga kinakailangang hakbang upang matiyak na magpapatuloy ang operasyon ng mga komite at hindi maaantala ang mga pagdinig sa mahahalagang usapin ng bansa.
“Ngayon po ang Majority, ginagamit ang rules sa tama, morally, legally, to ensure na hindi agawin ang mga committees para po matuloy ang hearing ng Blue Ribbon sa Thursday at ang iba’t iba pang mga importanteng hearing sa bawat committee,” pahayag ni Cayetano.
Isa sa mga isyung dapat aniyang ipagpatuloy na imbestigahan ay ang umano’y mga iregularidad sa mga flood control project.
“[We cannot] allow the flood control issue, the biggest corruption issue in our history, to go unchecked,” giit ni Cayetano.
Binigyang diin niya ang pangangailangan sa masusi at malayang imbestigasyon para masagot na ang maraming tanong kaugnay ng umano’y ghost flood control projects, substandard na imprastraktura, at lawak ng mga naturang problema sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Hindi po ito masasagot kung wala tayong independent, impartial na hearing,” pahayag niya.
Muli ring iginiit ni Cayetano ang paninindigan ng Mayorya na magkaroon ng isang malaya at patas na impeachment process na nakabatay sa ebidensya at umiiral na mga patakaran.
“We want an independent impeachment. Magaganap po ‘yan na walang mga scheme, sinister plot. Basta kung ano’ng ebidensya, lalabas y’ung ebidensya,” aniya.
Dapat aniyang mabigyan ng pagkakataon ang parehong panig na maipresinta ang kanilang mga argumento at ebidensya bago ito timbangin ng mga senator-judges.
“The prosecution dapat ang lumatag ng ebidensya nila to convict. Ang defense ang dapat lumatag ng ebidensya nila para ma-acquit. Ang senator-judges naman ang dapat mag-examine ng mga ebidensya,” aniya.
Giit pa ni Cayetano, dapat manatiling nakatuon sa katotohanan ang mga senador habang ginagampanan ang kanilang tungkuling dinggin ang mga nasabing isyu at iba pang tungkuling konstitusyonal.
“Uulitin ko po: kailangan tingnan natin ang nangyayari sa Senado sa mas malaking konteksto ng katotohanan,” aniya. (UnliNews Online)

