CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Isang lalaki ang inaresto ng mga operatiba ng Bulacan Provincial Intelligence Unit matapos maaktuhan sa iligal na pagbebenta ng baril sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Tabang, Guiguinto, Bulacan nu’ng Wednesday (June 10).
Batay sa ulat ni P/Maj. Mark Anthony E. Tiongson, OIC, PIU, kinilala ang suspek na si Alyas Rey, 49 taong gulang, residente ng Brgy. Tabang, Guiguinto, Bulacan. Ang kanyang pagkakaaresto ay isinagawa ng mga tauhan ng Bulacan Provincial Intelligence Unit, katuwang ang 1st Provincial Mobile Force Company at Guiguinto Municipal Police Station.
Ayon sa ulat, matagumpay na naisakatuparan ang buy-bust operation dakong 1:30 ng hapon nang mahuli ang suspek habang ibinebenta ang isang caliber .45 pistol kasama ang dalawang magazine na may lamang tig-tatlong bala sa isang pulis na nagpanggap bilang buyer.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang caliber .45 pistol, dalawang magazine ng caliber .45, anim na piraso ng live ammunition, buy-bust money at isang itim na belt bag.
Dinala ang naarestong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa tanggapan ng Provincial Intelligence Unit para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Samantala, inihahanda na ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act laban sa suspek. (UnliNews Online)

