CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Walo katao na pawang sangkot sa iligal na droga ang nasakote ng kapulisan sa inilatag na buy-bust operation bandang alas-7 ng gabi noong Huwebes (June 11) sa Brgy. Gaya-Gaya, City of San Jose Del Monte.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Reyson M. Bagain, Chief of Police ng SJDM CPS, nagsagawa ng anti-illegal drug operation ang mga intelligence operatives ng himpilan sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), na nagresulta sa pagkakaaresto ng walong suspek matapos bentahan ang isang undercover agent ng isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu kapalit ng isang pirasong P500.00 buy-bust money.
Matapos ang matagumpay na transaksyon, agad na inaresto ang mga suspek at sa isinagawang body search at inventory, nakumpiska mula sa kanilang pag-iingat at kontrol ang 10 karagdagang heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu, isang cut-open plastic sachet na may hinihinalang shabu, 1 glass pipe na may residue ng hinihinalang shabu, 2 disposable lighter, 1 wallet, ang buy-bust money, at isang Smith & Wesson Magnum caliber .22 revolver na may serial number 533445 na kargado ng dalawang bala.
Ang kabuuang timbang ng mga nakumpiskang hinihinalang shabu ay humigit-kumulang tatlumpu’t limang (35) gramo na may tinatayang Standard Drug Price na P238,000.00.
Dinala ang mga naarestong suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa Bulacan Provincial Forensic Unit at SJDM Satellite Forensic Office para sa kaukulang laboratory examination habang inihahanda ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Sections 5, 11, 12, at 13, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (UnliNews Online)

