CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Sa mas pinaigting na laban kontra sa iligal na droga, matagumpay na nagsagawa ng magkakahiwalay na buy-bust operation ang Bulacan Police Provincial Office noong Sabado (June 20), na nagresulta sa pagkakaaresto ng 7 na indibidwal, pagkakasamsam ng 20 sachet ng hinihinalang shabu ng mahigit P633,420.00 at buy-bust money.
Batay sa report ni P/Lt. Col. Reyson M. Bagain, Hepe ng SJDM City Police Station, isang drug suspect ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation laban sa iligal na droga sa Brgy. Sto. Cristo, San Jose Del Monte, Bulacan noong Biyernes (June 19) dakong 09:53 ng gabi.
Nakumpiska mula sa suspek ang limang na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 55 gramo at may halagang P374,000.00 at buy-bust money.
Samantala, ayon sa ulat ng mga hepe ng Guiguinto, San Ildefonso, Angat, Meycauayan at Baliwag Police Station, 6 pa na indibidwal ang naaresto sa magkahiwalay na operasyon laban sa iligal na droga na nagresulta sa pagkakakumpiska ng 15 sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang halagang P259,420.00 at buy bust money.
Ang lahat ng mga naarestong suspek ay nasa kustodiya na ng pulisya at mahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Bilang bahagi ng pinaigting na laban kontra sa ilegal na droga, patuloy ang Bulacan Police Provincial Office sa pagpapatupad ng mga operasyon laban sa mga sangkot dito.
Ayon kay P/Col. Jay B. Baybayan, Acting Provincial Director ng Bulacan PPO, ang mga ito ay bahagi ng mas malawak na kampanya upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mga mamamayan sa Bulacan. (UnliNews Online)

