Ni Ronalyn Cruz
MALOLOS CITY, Bulacan — Nagkaloob ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos ng anim (6) na metal detector sa Marcelo H. Del Pilar National High School upang mapaigting ang seguridad sa loob ng kampus.
Ang pagbibigay ng mga kagamitan ay ginawa Huwebes (Hunyo 25), sa pangunguna ni Bulacan PNP Provincial Director PCol. Jay B. Baybayan. Gagamitin ang mga metal detector para sa mas mahigpit na pag-screen sa lahat ng estudyante, guro, bisita, at iba pang pumapasok sa paaralan.
Ayon kay Dr. Nova B. Santiago, Principal IV ng MHDPNHS, malaking tulong ang mga metal detector upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mahigit 13,000 mag-aaral ng paaralan. “Nagpapasalamat kami sa LGU Malolos sa agarang tugon. Prayoridad namin ang seguridad ng bawat bata at guro sa loob ng kampus,” ani Dr. Santiago.
Sa direktiba ni Malolos City Mayor Christian D. Natividad, agarang bumili ang lungsod ng 120 metal detectors na nagkakahalaga ng 200,000 piso sa kabuuan para ipamahagi sa 54 na pampublikong paaralan sa lungsod. Ang MHDPNHS ang isa sa mga unang nakatanggap at nabigyan ng anim na unit.
Ang inisyatibong ito ng LGU ay tugon matapos ang insidente ng pamamaril na kinasangkutan ng dalawang estudyante sa isang paaralan sa Tacloban City nitong mga nakaraang araw kung saan tatlo ang nasawi.
“Ang hakbang na ito ay para matiyak na hindi na mauulit sa Malolos ang trahedyang nangyari sa Tacloban. Gusto nating mapanatag ang kalooban ng bawat magulang na ligtas ang kanilang mga anak habang nasa paaralan,” pahayag ni Mayor Natividad.
Bukod sa metal detectors, kinumpirma rin ng Malolos PNP na magde-deploy sila ng dalawang police officer sa loob at paligid ng MHDPSHS. Layon nitong masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante, guro, at kawani lalo na sa oras ng pasukan at uwian.
Ang MHDPNHS ang may pinakamalaking populasyon ng mag-aaral sa Dibisyon ng Malolos. (UnliNews Online)

