CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Nasakote ng mga operatiba ng Hagonoy Municipal Police Station ang dalwang sangkot sa iligal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. San Agustin, Hagonoy, Bulacan noong Sabado ng gabi (Hunyo 27).
Base sa ulat ni P/Lt. Col. Leonard M. Lim, Hepe ng Hagonoy MPS, nagsagawa ng anti-illegal drug buy-bust operation ang Intelligence Unit at Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Hagonoy MPS, sa koordinasyon ng PDEA Region 3, na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang suspek dahil sa paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 4 na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, kabilang ang isang sachet na nabili ng police poseur-buyer at tatlong sachet na narekober sa isinagawang body search.
Tinatayang may kabuuang bigat na 2.8 gramo ang mga nakumpiskang ilegal na droga na may Standard Drug Price (SDP) na humigit-kumulang P19,040.00, gayundin ang buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Dinala ang mga naarestong suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa Hagonoy Municipal Police Station para sa kaukulang dokumentasyon. Isinailalim din sa laboratory examination ang mga nakuhang ebidensya sa Bulacan Provincial Forensic Unit habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 laban sa mga naarestong suspek.
Pinuri ni P/Col. Jay B. Baybayan, Acting Provincial Director ng Bulacan PPO, ang matagumpay na operasyon ng Hagonoy MPS at muling iginiit ang patuloy na pinaigting na kampanya ng Bulacan PPO laban sa iligal na droga at iba pang uri ng kriminalidad. (UnliNews Online)

