CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Dalawang aktibong miyembro ng Batingan Group, isang target-listed group na sangkot umano sa iligal na droga at mga insidente ng pagnanakaw sa Lungsod ng San Jose Del Monte, ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng San Jose Del Monte City Police Station sa Brgy. Gumaoc West, City of San Jose Del Monte, Bulacan noong Huwebes (July 9).
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Reyson M. Bagain, Hepe ng San Jose Del Monte City Police Station, nagsagawa ng anti-illegal drug operation ang pinagsanib na puwersa ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng SJDM CPS at Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Bulacan PPO na nagresulta sa pagkakaaresto kina alias “Toto,” 53, sinasabing lider ng Batingan Group, at alias “Pengas,” 42, na kapwa PNP-PDEA target-listed personalities.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang humigit-kumulang 10 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang Standard Drug Price na P68,000.00, buy-bust money, isang Caliber .45 pistol na may apat (4) na live ammunition, at iba pang kaugnay na ebidensya.
Ang isinagawang imbentaryo at pagmamarka ng mga nakuhang ebidensya ay isinagawa alinsunod sa itinakda ng Section 21 ng Republic Act 9165 sa harap ng mga kinakailangang saksi.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, gayundin sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act laban sa mga suspek.
Patuloy na pinaigting ng Bulacan Police Provincial Office sa pamumuno ni P/Col. Jay B. Baybayan, Acting Provincial Director, ang kampanya laban sa ilegal na droga at iba pang anyo ng kriminalidad upang matiyak ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng bawat mamamayan sa lalawigan ng Bulacan. (UnliNews Online)

