CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Dalawang hinihinalang tulak ng iligal na droga ang naaresto sa inilatag na buy-bust operation ng Plaridel Municipal Police Station (MPS) sa Brgy. Bulihan, Plaridel, Bulacan, Miyerkules ng madaling araw (July 8).
Ayon sa ulat ni P/LT. Col. Restituto E. Granil, Chief of Police ng Plaridel MPS, kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas “Paolo,” 32 taong gulang, residente ng Brgy. Turo, Bocaue, Bulacan; at alyas “Aga,” 34 taong gulang, residente ng Brgy. Panghulo, Malabon City. Nadakip ang mga suspek matapos nilang magbenta ng 1 sachet ng hinihinalang shabu sa police poseur-buyer sa isinagawang buy-bust operation.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang kabuuang 7 sachet ng hinihinalang shabu, kabilang ang buy-bust item, na may tinatayang kabuuang bigat na 17.5 gramo at Standard Drug Price (SDP) na P119,000.00. Narekober din ang buy-bust money.
Bukod dito, nasamsam mula kay alyas “Paolo” ang isang caliber .38 revolver na walang serial number na kargado ng 3 bala at dalawang bala ng caliber .357 na nakalagay sa isang kulay abong belt bag.
Ang mga naarestong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa drug test at laboratory examination. Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng RA 9165, na inamyendahan ng RA 10640, at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (UnliNews Online)

