LUNGSOD NG MALOLOS — May kabuuang bilang na 4,232 Barangay Health Workers (BHW) mula sa buong lalawigan ang tumanggap ng P4,000 quarterly allowance mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa ginanap na dalawang araw na BHW Assembly para sa 2nd Quarter sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito kamakailan.
Buong pagmamalaking ibinahagi ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mahalagang papel na ginampanan ng Bulacan sa pagbuo ng Magna Carta for Barangay Health Workers, at binanggit ang hindi matatawarang kontribusyon ng dating Pinuno ng Provincial Health Office-Public Health (PHO-PH) na si Dr. Edwin P. Tecson at Provincial BHW Manager Patricia Alvaro-Castro, na parehong naging bahagi ng Technical Working Group ng Senate Committee on Health and Demographics na nagbalangkas ng makasaysayang panukalang batas.
“Kung talagang nais nating palakasin ang BHW sa bawat barangay ay panahon na para pagtuunan naman ng lokal at nasyonal na pamahalaan ang kapakanan at benepisyo ng ating mga BHW o ang ating mga Bayaning Hanggang Wakas,” anang gobernador.
Maliban sa kanilang allowance, naging daan din ang pagtitipun-tipon upang palawakin ang kanilang kaalaman sa pamamagitan ng mga talakayan sa Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity Campaign, Acute Flaccid Paralysis (AFP) Surveillance, Community-based Surveillance, at Tuberculosis Preventive Treatment, na nagpapatibay sa kanilang mahalagang gampanin sa pag-iwas sa karamdaman, promosyon ng kalusugan, at maagang pagtuklas sa mga sakit sa kani-kanilang nasasakop na barangay.
Gayundin, kinilala ng PHO-PH ang Outstanding Monthly Major Accomplishment Report (MMAR) sa bawat indibidwal, barangay, lungsod, at bayan.
Dagdag pa rito, inilatag ng tanggapan ng pampublikong kalusugan ang kanilang mga plano sa hinaharap para sa mga BHW kabilang ang pagbibigay ng pagsasanay na Barangay Health Service NC II mula sa TESDA sa pamamagitan ng Provincial Public Employment Service Office; Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity social mobilization activities; panukalang dagdag insentibo sa mga pangulo ng BHW; at pagtatatag ng BHW Registration, Accreditation, and Dismissal Committee (RADC) sa mga bayan at lungsod na magsisilbing grievance committee para sa mga kaso at reklamo sa BHW. (UnliNews Online)

