CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Nasawi ang isang lalaki na umano’y suspek sa robbery-holdap matapos makipagpalitan ng putok sa mga operatiba ng pulisya sa isinagawang hot pursuit operation sa Purok 5, Brgy. Santisima Trinidad, City of Malolos, Bulacan, nu’ng Martes ng gabi.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Lynelle F. Solomon, Hepe ng Bulakan MPS, kinilala ang nasawing suspek na isang binatang lalaki, nasa wastong gulang, walang trabaho, at residente ng Brgy. Santisima Trinidad sa naturang lungsod. Siya ay sinasabing suspek sa isang robbery-holdap na naganap sa Brgy. Pitpitan, Bulakan, Bulacan.
Batay sa ulat, nagsagawa ng joint hot pursuit operation ang mga tauhan ng Bulakan Municipal Police Station, bilang lead unit, katuwang ang Regional Intelligence Division and Management Division 3 (RIDMD3), RID3-RSOG, Bulacan Provincial Investigation and Detective Management Unit (PIDMU), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Bulacan, Highway Patrol Team (HPT) Bulacan, Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU), Malolos City Police Station, Plaridel MPS, at Guiguinto MPS.
Sa pamamagitan ng masusing pag-backtrack sa mga CCTV footage, matagumpay na natukoy ng mga operatiba ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng suspek. Agad na nagtungo ang mga operatiba sa lugar upang siya ay arestuhin.
Gayunman, sa halip na sumuko, umano’y tumanggi ang suspek na magpa-aresto sa mga awtoridad at nagpaputok ng kanyang baril patungo sa mga police operative. Dahil dito, nagkaroon ng armed encounter na nagresulta sa pagkasawi ng suspek.
Narokober sa suspek ang sumusunod: isang cal. 38 revolver na may serial number 1566886, apat na cal. 38 cartridges, isang cal. 38 fired cartridge case, tatlong deformed fired bullets, at dalawang 9mm fired cartridge cases.
Patuloy namang isinasagawa ng mga awtoridad ang kaukulang imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at makumpleto ang dokumentasyon kaugnay ng armed encounter.
Samantala, tiniyak ng Bulacan Police Provincial Office sa pamumuno ni P/Col. Jay B. Baybayan, Acting Provincial Director, na isasailalim sa masusing imbestigasyon ang insidente upang matiyak ang kumpleto at patas na pagtalakay sa mga pangyayari.
Patuloy na paiigtingin ng kapulisan ang mga operasyon laban sa mga kriminal at agad na tutugon sa mga insidenteng nagbabanta sa kaligtasan at seguridad ng mga mamamayan. (UnliNews Online)

