CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Naaresto ng operatiba ng Norzagaray Municipal Police Station (MPS) sa isinagawang manhunt operation ang isang Top 1 Most Wanted Person noong Lunes bandang alas-10 ng umaga sa Sitio Suha, Brgy. San Mateo, Norzagaray, Bulacan.
Base sa police report, ang naarestong akusado na si alyas “Noel”, 42 taong gulang at residente ng Sitio Suha, Brgy. San Mateo, Norzagaray, ay nadakip ng Tracker Team ng Norzagaray MPS sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Qualified Rape sa ilalim ng Article 266-B ng Revised Penal Code, na may Criminal Case No. 4449-M-2026.
Ang nasabing warrant ay inilabas noong Hulyo 7, 2026 ng Presiding Judge ng Regional Trial Court, Third Judicial Region, Branch 16, Malolos City, Bulacan, na walang inirekomendang piyansa.
Matapos ang pag-aresto, ipinaalam sa akusado ang kanyang mga karapatang naaayon sa batas. Isinagawa rin ang kaukulang dokumentasyon at siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Norzagaray MPS habang inihahanda ang kanyang turnover sa hukuman na naglabas ng warrant.
Sa pahayag ni P/Col. Jay b. Baybayan, Acting Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, sinabi niyang patuloy na paiigtingin ng Bulacan PPO ang kampanya laban sa mga wanted person sa buong lalawigan upang matiyak na ang mga akusadong umiiwas sa batas ay agad na maaresto at maiharap sa hustisya, bilang bahagi ng patuloy na pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Bulacan. (UnliNews Online)

