CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado ang dalawa katao matapos makuhanan ng baril at hinihinalang shabu sa isinagawang “Oplan Galugad” ng mga tauhan ng Marilao MPS sa Brgy. Lambakin, Marilao, Bulacan, noong Friday (Sept. 4).
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Edwin M. Lacostales, Hepe ng Marilao MPS, kinilala ang mga naarestong suspek na isang 41 taong gulang, construction worker, at isang 27 taong gulang na babae, kapwa residente ng Northville 4 Luma, Brgy. Lambakin, Marilao, Bulacan.
Sa isinagawang operasyon bandang 11:45 ng gabi, nahuli sa aktong pag-iingat ng lalaking suspek ang isang improvised pen gun na may isang bala ng 9mm cartridge at isang heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu. Samantala, nakumpiska naman sa babaing suspek ang isang plastic sachet na naglalaman din ng hinihinalang shabu.
Kabuuang 0.23 gramo ng hinihinalang shabu, na may tinatayang halaga na humigit-kumulang P1,564.00, ang nakumpiska sa operasyon. Dinala ang mga suspek at nakumpiskang ebidensya sa Marilao MPS para sa kaukulang dokumentasyon at turnover sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa scientific examination.
Inihahanda ang mga kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Regulation Act at Section 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (UnliNews Online)

