PANDI, Bulacan — Mula sa isang matagal nang pangarap, ang pagkakaroon ng sariling pampublikong unibersidad sa Bayan ng Pandi ay isa na ngayong realidad — isang hakbang na maaaring magbukas ng mas maraming pintuan para sa susunod na henerasyon ng mga kabataang Pandieño.
Opisyal nang binuksan nu’ng Lunes ng umaga (Sept. 7) ang Polytechnic University of the Philippines-Pandi sa Barangay Mapulang Lupa, na inaasahang magbibigay ng mas maraming pagkakataon sa mga kabataang Pandieño na makapagpatuloy at makatapos ng kanilang pag-aaral sa matatag at pampublikong institusyon.
Ayon kay Mayor Rico Roque, ang pagbubukas ng PUP–Pandi ay itinuring na makasaysayang kaganapan para sa bayan, dahil ito ang kauna-unahang unibersidad na itinayo at binuksan sa Pandi at kinilala bilang unang PUP Open University System sa bansa.

“Matagal nang inaasam ng mga residente ang pagkakaroon ng isang pampublikong institusyon ng mataas na edukasyon sa ating lugar upang mas mailapit sa mga kabataan ang oportunidad na makapag-aral at makapagtapos nang hindi kinakailangang bumiyahe nang malayo,” dagdag pa ng alkalde.
Hindi naging madali ang proseso tungo sa pagkakatatag ng PUP-Pandi. Kinailangan itong dumaan sa pagpaplano, koordinasyon, mga kinakailangang proseso, at pagtutulungan ng iba’t ibang sektor bago tuluyang maisakatuparan ang proyekto.
Sa isinagawang pagbubukas ng naturang institusyon na pamamahalaan ni John Louie Dominguez, bilang campus administrator, pinasalamatan nito ang mga naging katuwang upang mabuksan ang PUP-Pandi, mga kawani ng pamahalaan Team Puso at Talino, at iba pang indibidwal at grupong sumuporta sa pagtatatag ng unibersidad.

Higit sa pagkakaroon ng isang bagong pasilidad pang-edukasyon, inaasahang magsisilbing dagdag na oportunidad ang PUP-Pandi para sa mga kabataang nais magkaroon ng de-kalidad at abot-kayang edukasyon.
Ang mga kursong magiging available sa naturang unibersidad ay ang Bachelor of Science in Business Administration Major in Marketing Management, Bachelor of Science in Tourism Management at Bachelor of Arts in Journalism.
Sa pagbubukas ng bagong institusyon, nakasalalay naman sa patuloy na pagtutulungan ng pamahalaan, PUP, komunidad, mga guro, mag-aaral at iba pang stakeholders ang pagpapaunlad nito upang matiyak na ang mga oportunidad sa edukasyon ay tunay na mapapakinabangan ng mga Pandieño.
Ito ang simula ng panibagong kabanata para sa Bayan ng Pandi. Ang dating pangarap ay isa nang realidad, at magiging bahagi ng pamana na maipagmamalaki ng bawat Pandieño. (UnliNews Online)

