LUNGSOD NG MALOLOS — Itinampok ang mahahalagang pananaliksik hinggil sa karanasan ng mga Pilipino sa ibang bansa, kasaysayang diplomatiko, at lokal na pamana sa isinagawang dalawang araw na Pambansang Kumperensiya sa Bulacan 2026 noong Setyembre 3-4, 2026 sa Dr. Yanga’s College, Inc. sa Bocaue.
Isinagawa ang kumperensiya ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, sa pamamagitan ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office (PHACTO), sa pakikipagtulungan ng Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan (SAMPAKA).
Nagsilbi itong mahalagang plataporma para sa pagpapalitan ng kaalaman, ideya at resulta ng mga pananaliksik na tumatalakay sa iba’t ibang mukha ng kasaysayan at karanasan ng mga Pilipino, kapwa sa loob at labas ng bansa.

Kabilang sa mga pangunahing paksa ng kumperensiya ang mga pag-aaral tungkol sa karanasan ng mga Pilipino sa ibang bansa, na nagbibigay ng mas malawak na pagtingin sa papel, kalagayan at ambag ng mga Pilipino sa pandaigdigang komunidad.
Binigyang-pansin din ang lokal na pamana, bilang mahalagang bahagi ng pagkakakilanlan at kasaysayan ng mga pamayanan. Sa pamamagitan ng pananaliksik at dokumentasyon, mas napapalalim ang pag-unawa sa mga pook, tradisyon, kuwento at iba pang pamana na bumubuo sa kasaysayan ng isang lalawigan.
Sa pamamagitan ng ganitong mga talakayan, binigyang-diin ang kahalagahan ng patuloy na pagsasagawa ng makabuluhan at makabagong pananaliksik upang mapanatili, mapalawak at maipasa sa mga susunod na henerasyon ang kaalaman tungkol sa kasaysayan at kultura ng bansa.
Mahalaga rin ang ganitong pagtitipon sa pagsusulong ng kamalayan ng publiko sa kasaysayan, lalo na sa panahon kung kailan patuloy na nagbabago ang paraan ng pag-aaral, pagtatala at pagbabahagi ng impormasyon.
Sa pamamagitan ng Pambansang Kumperensiya sa Bulacan 2026, muling naipakita ang halaga ng pananaliksik bilang kasangkapan sa pag-unawa sa nakaraan, pagsusuri sa kasalukuyan, at paghubog ng kamalayan para sa hinaharap.
Sa mensaheng ipinahatid ni Gobernador Daniel R. Fernando, na inilahad ni Tricia Salviejo, Project Development Officer I ng Tanggapan ng Gobernador, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng kasaysayan bilang gabay sa paghubog ng mas maunlad na kinabukasan ng bansa.
“Ang kasaysayan ang ating compass, tinutulungan tayo nito maunawaan kung bakit ganito ang ating bayan ngayon at kung anong klaseng Pilipinas ang maaari nating buuin bukas. Kilalanin ang ating pinagmulan, unawain ang lugar sa ating mundo, at gamitin ang ating pagka-Pilipino upang makalikha ng mas makabuluhang kinabukasan,” saad niya.
Sa pagtatapos ng dalawang araw na pagtitipon, iniwan ng kumperensiya ang mahalagang mensahe na ang kasaysayan ay hindi lamang dapat alalahanin, kundi patuloy na pag-aralan, saliksikin at unawain upang manatiling buhay ang mga aral at kuwentong bumuo sa pagkakakilanlan ng bansa. (UnliNews Online)

