LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Nagtapos ang mga kalahok sa tatlong buwang After Care Program for People Who Used Drugs (PWUD) sa isinagawang commencement exercises nung Huwebes (Sept. 10) sa 4th Floor Auditorium ng New Malolos City Hall.
Pinangunahan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), katuwang ang Malolos PNP, ang programa na naglalayong tulungan ang mga kalahok na makapagsimula muli sa pamamagitan ng life skills, livelihood training, gabay at patuloy na suporta.
Binigyang-diin ni CSWDO Head Lolita S.P. Santos, RSW, na ang pagtatapos ng programa ay hindi katapusan kundi simula ng mas malaking hamon—ang pagpapatuloy ng desisyong mamuhay nang malayo sa ipinagbabawal na droga at maging matatag para sa kanilang sarili at pamilya.
Samantala, sinabi ni Social Services Division Head Jinky Joy C. Del Rosario, RSW, na nakahanda ang Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ni Mayor Atty. Christian D. Natividad na maglaan ng tulong pangkabuhayan upang maisabuhay ng mga nagtapos ang kanilang mga natutunan sa livelihood training.
Hinimok din ng Malolos PNP ang mga nagtapos na ipagpatuloy ang positibong pagbabagong kanilang sinimulan at huwag nang bumalik sa dating bisyo.
Nagtapos ang programa sa pagkakaloob ng mga sertipiko at isang pampasiglang pagtatanghal mula sa mga PWUD, bilang simbolo ng panibagong simula tungo sa mas maayos at produktibong buhay.
Sa Pamahalaang Lungsod ng Malolos, ang pagbabagong-buhay ay hindi lamang tungkol sa paglayo sa bisyo—ito ay tungkol sa pagbibigay ng pagkakataon, suporta at pag-asa para sa isang mas maayos at produktibong kinabukasan. (UnliNews Online)

