LUNGSOD NG MALOLOS – Bilang pagpapatuloy ng pagsusulong ng mas malusog na lalawigan, pinarangalan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang mga natatanging lokal na pamahalaan, barangay, nutrition workers, at mga katuwang na stakeholder sa ginanap na ‘Panapos na Gawain sa Buwan ng Nutrisyon’ noong Biyernes (July 31), sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center.
Nangunguna sa mga ginawaran ngayon taon ang Bayan ng Bulakan, na kinilalang Natatanging Bayan sa Nutrisyon at tumanggap ng plake ng pagkilala at premyong a P100,000 habang nakamit naman ng Bayan ng Guiguinto ang ikalawang puwesto na may premyong P75,000, at Bayan ng Doña Remedios Trinidad sa ikatlong puwesto na may premyong P50,000.
Sa kategoryang Natatanging Barangay sa Nutrisyon, itinanghal na kampeon ang Barangay Pinagtuluyan sa Norzagaray na tumanggap ng plake at premyong P30,000. Nakuha naman ng Barangay San Francisco sa Bulakan ang ikalawang puwesto at P20,000, habang nasungkit ng Barangay Bagong Barrio sa Pandi ang ikatlong puwesto at P10,000 na gantimpala.
Kinilala naman bilang Natatanging Lingkod Lingap sa Nayon si Joana Marie S. Marquez ng Barangay San Francisco, Bulakan, na tumanggap ng plake at papremyong P7,000 bilang pagkilala sa kanyang dedikasyon sa pagsusulong ng mga programang pangnutrisyon sa komunidad.
Samantala, pinarangalan din si Maricar M. Parone ng Bayan ng Bulakan bilang Natatanging Pambayang Tagapagpaganap ng Nutrisyon, at tumanggap ng plake at P8,000 gantimpala bilang pagkilala sa kanyang natatanging pamumuno sa pagpapatupad ng mga programang pangnutrisyon sa munisipalidad.
Nagkaloob din ang Pamahalaang Panlalawigan ng Service Award sa siyam na Lingkod Lingap sa Nayon (LLNs), tatlong kasapi ng Technical Working Group (TWG), at kay Mary Jane De Leon, Municipal Nutrition Action Officer ng Bustos, Bulacan. Tumanggap ang bawat pinarangalan ng sertipiko ng pagkilala at P5,000 perang insentibo bilang pasasalamat sa kanilang mahalagang serbisyo at walang sawang dedikasyon sa pagpapabuti ng kalagayang pangnutrisyon ng mga Bulakenyo.
Iginawad din ang Provincial Green Banner Seal of Compliance sa mga bayan ng Angat, Bocaue, Bulakan, Bustos, Doña Remedios Trinidad, Guiguinto, Marilao, Norzagaray, Obando, San Ildefonso, San Miguel, at San Rafael bilang pagkilala sa matagumpay nilang pagtugon sa mga pamantayang pangnutrisyon ng lalawigan at sa kanilang patuloy na pagpapakita ng matatag na commitment sa mahusay na pamamahala ng mga programang pangnutrisyon.
Kinilala rin ang mga bayan ng Plaridel at Santa Maria sa pamamagitan ng Nutrition Honor Award – Maintenance, kung saan tumanggap ang bawat isa ng plake at P5,000 bilang pagkilala sa kanilang patuloy na kahusayan sa pagpapatupad ng mga programang pangnutrisyon.
Naging mas masigla rin ang pagdiriwang sa pamamagitan ng paggawad ng parangal sa mga nagwagi sa Bahay Kubo Cooking Contest, na tampok ang malikhain at masustansiyang mga putahe gamit ang mga locally available na gulay. Nasungkit ng Bayan ng Calumpit ang kampeonato at P12,000 cash prize, sinundan ng Bayan ng Bulakan sa ikalawang puwesto na tumanggap ng P10,000, at Bayan ng Santa Maria sa ikatlong puwesto na nagkamit ng P8,000.
Bilang dagdag na suporta sa adbokasiya ng lalawigan sa nutrisyon, nagkaloob din sina Gob. Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro ng karagdagang cash incentive sa mga nagwagi sa cooking contest, na nagresulta sa pagdodoble ng kanilang mga napanalunang premyo. (UnliNews Online)

