CABANATUAN CITY, Nueva Ecija — Hindi nakaligtas sa batas ang isang 43-anyos na Chinese national na wanted sa kasong paglabag sa Consumer Act of the Philippines matapos itong tuluyang maaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa naturang lungsod nitong Friday (Sept. 11).
Nasakote ang suspek ng tracker team ng CIDG Nueva Ecija Provincial Field Unit (PFU) sa Old Capitol Compound, Barangay Quezon District, Cabanatuan City, sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court, Third Judicial Region, Branch 52, Guagua, Pampanga.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 18(a) in relation to Section 19 ng Republic Act 7394, o Consumer Act of the Philippines.
Nag-ugat ang kaso sa naunang imbestigasyon kaugnay ng umano’y paglabag sa naturang batas. Muling isinampa ang kaso sa Office of the Provincial Prosecutor noong Hunyo 16, 2026, na humantong sa pagsasampa nito sa korte at paglabas ng warrant of arrest.
Pinuri ni PNP Chief P/Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang CIDG Nueva Ecija PFU sa matagumpay na pagtunton at pag-aresto sa wanted individual.
Binigyang-diin ni Nartatez na ang mga dayuhang naninirahan o nagnenegosyo sa Pilipinas ay kailangang sumunod sa mga umiiral na batas ng bansa.
“Kapag nasa Pilipinas, kailangang igalang at sundin ang ating mga batas. Walang sinuman ang nakahihigit sa batas, anuman ang kanilang nasyonalidad,” ani Nartatez.
Iginiit din ng PNP Chief na dapat isagawa ang mga operasyon nang may propesyonalismo, paggalang sa karapatang pantao at mahigpit na pagsunod sa rule of law.
Pansamantalang inilagay sa kustodiya ng CIDG Nueva Ecija PFU ang suspek habang hinihintay ang return of warrant sa korte na naglabas nito.
Bahagi ang operasyon ng patuloy na kampanya ng PNP laban sa mga wanted person at pagpapatupad ng mga batas na naglalayong protektahan ang publiko at mga mamimili.
Patuloy namang pinaalalahanan ng PNP ang publiko na agad i-report sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang gawain o posibleng paglabag sa batas. (UnliNews Online)

