Monday, September 14, 2026
Amana Water Park
HomeNational News‘HANDOG NG PANGULO’ JOB FAIR, DINUMOG NG MGA BULAKENYO!

‘HANDOG NG PANGULO’ JOB FAIR, DINUMOG NG MGA BULAKENYO!

2,290 Bulakenyo dumagsa para subukan ang mga lokal at overseas na oportunidad

LUNGSOD NG MALOLOS — Umabot sa 2,290 rehistradong naghahanap ng trabaho ang dumagsa sa Bulacan Capitol Gymnasium noong Sunday (Sept. 13) upang samantalahin ang mahigit 2,000 oportunidad sa trabaho, lokal man o sa ibang bansa, sa Handog ng Pangulo Trabaho Agad Job Fair, na bahagi ng Singkaban Festival 2026 na inorganisa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Public Employment Service Office, katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Migrant Workers.

Itinampok sa nasabing aktibidad ang isang Financial Awareness Seminar at Small Business Management Training na pinangasiwaan ng Department of Trade and Industry (DTI) Bulacan Provincial Office na nagbigay sa mga naghahanap ng trabaho ng praktikal na kaalaman sa pamamahala ng pananalapi at pagtuklas ng mga oportunidad sa pagnenegosyo, kalakip ang iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan sa pamamagitan ng one-stop-shop na kinabibilangan ng mga ahensya tulad ng PhilHealth, SSS, at BIR, at iba pa.

HOTS OF THE DAY. Ipinagdiwang ni Jerome Milante (gitna) ang kanyang pagiging kauna-unahang jobseeker na na hired-on-the-spot (HOTS) ni ELNET Workers HR Officer Mary Jane Balagtas (katabi niya) sa ginanap na Handog ng Pangulo Trabaho Agad Job Fair: Serbisyong Tapat Para sa Lahat sa Bulacan Capitol Gymnasium, Lungsod ng Malolos, Bulacan noong Setyembre 13, 2026 bilang bahagi ng Singkaban Festival 2026. Kasama rin sa larawan sina (mula kaliwa) Puno ng Provincial Public Employment Service Office Inh. Egbert R. Robles, Department of Labor and Employment (DOLE)-Bulacan Head Jose Roberto L. Navata, DOLE Regional Director Abgd. Sarah Buena S. Mirasol, at DOLE Assistant Regional Director Alejandro V. Inza Cruz. (PPAO)

Binigyang-diin ni DOLE OIC-Assistant Secretary Abgd. Catherine L. Parado, na kumatawan kay DOLE Secretary Francis Tolentino sa aktibidad, ang iba’t ibang pambansang programa at inisyatiba ng kagawaran na naglalayong palawakin ang mga oportunidad sa trabaho, palakasin ang proteksiyon sa mga manggagawa, at maghatid ng kabuhayan at iba pang uri ng tulong sa mga Pilipinong manggagawa.

“Tuluy-tuloy pong ilalapit ng DOLE ang mga programa at serbisyo ng pamahalaan sa ating mamamayan, at tiyakin na ito ay lilikha ng makabuluhang oportunidad at trabaho agad para sa Pilipino,” ani Abgd. Parado.

Samantala, 182 indibidwal ang nakatanggap din ng tulong pinansyal mula sa Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFWs na Nangangailangan (AKSYON) Fund, na umabot sa kabuuang P10.42 milyon kabilang ang 143 distressed workers na tumanggap ng tig-P50,000; 20 OFW na may malubhang karamdaman na tumanggap ng tig-P75,000; at 17 kaanak ng mga yumaong OFW na tumanggap ng tig-P100,000, na bahagi ng Handog ng Pangulo Serbisyong Sapat Para sa Lahat, na naglalayong maghatid ng tulong at mahahalagang serbisyo ng pamahalaan sa mga Overseas Filipino Worker (OFW), kanilang pamilya, at iba pang kwalipikadong benepisyaryo.

Sa isang panayam, nagpahayag ng pasasalamat si Jerome Milante, ang unang jobseeker na hired-on-the-spot, dahil sa oportunidad na hatid ng programa na aniya ay nagbigay ng madaling paraan upang makahanap siya ng trabaho at makapagsimulang makamit ang mas matatag na pagkukunan ng kita.

“Hinihikayat ko ang mga kapwa ko naghahanap ng trabaho na samantalahin ang mga ganitong programa ng pamahalaan dahil inilalapit nito ang mga employer at aplikante sa iisang lugar, kaya mas nagiging madali para sa atin ang makahanap ng trabaho at oportunidad,” ani Milante.

Nagbigay rin ng libreng personal care services sa mga dumalo, kabilang ang libreng gupit, manicure, pedicure, at masahe, bilang dagdag na serbisyo para sa mga lumahok sa aktibidad.

Kabilang din sa mga panauhin at opisyal na dumalo sina DOLE Regional Director Abgd. Sarah Buena S. Mirasol; DOLE Assistant Regional Director Alejandro V. Inza Cruz; DOLE-Bulacan Head Jose Roberto L. Navata; Abgd. Juan Miguel E. De Leon, Division Chief for Migrant Workers Protection; at mga Labor and Employment Officer, na nakibahagi at nasaksihan ang paghahatid ng mga oportunidad sa trabaho at iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan para sa mga jobseeker at benepisyaryong Bulakenyo. (UnliNews Online)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News