LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Isang umano’y High Value Individual (HVI) ang nadakip ng pulisya matapos masamsaman ng mahigit P440,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Loma de Gato, Marilao, Bulacan, madaling araw nitong Huwebes (Sept. 24).
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Edwin M. Lacostales, Hepe ng Marilao MPS, ikinasa ng mga operatiba ang anti-illegal drug operation sa Pook Luwasan bandang alas-12:00 ng madaling araw, na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at pagkakasamsam ng hinihinalang ilegal na droga.
Kinilala ang naarestong suspek na si Alyas Bonyok, 46-anyos na goldsmith, at residente ng Brgy. San Gabriel, Santa Maria, Bulacan. Nakumpiska mula sa kanya ang isang knot-tied transparent plastic bag at isang heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 65.22 gramo at tinatayang halaga na humigit kumulang na P443,496.00.
Nasamsam din ang isang caliber .380 pistol na may trademark na Thunder 380 Bersa S.A. Ramos Mejia Argentina, serial number 548809, kasama ang isang magazine na may dalawang bala.
Ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Marilao MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at Republic Act No. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act). (UnliNews Online)

