LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Nakatakdang isulong ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa pangunguna ni Mayor Christian D. Natividad at Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) ang pagpapahusay at pagpapaunlad ng Panasahan Fish Port upang mapalakas ang mga pasilidad at serbisyong nakalaan para sa sektor ng pangisdaan at mga lokal na mangingisda.
Nakipag-ugnayan kamakailan ang City Legal Office ng lungsod sa pangunguna ni City Legal Officer Atty. Darwin D. Clemente sa PFDA upang ayusin ang mga legal, dokumentaryo at administratibong requirement na kailangan bago maisakatuparan ang proyekto.
Kabilang sa mga tinututukan ang paghahanda ng Site Development Plan at iba pang supporting documents bilang paghahanda sa pagbuo at paglagda ng Memorandum of Understanding (MOU) at Memorandum of Agreement (MOA) ng mga kinauukulang partido.
Pinangunahan nina PFDA Acting General Manager Atty. Gian A. Pangapalan, Mayor Atty. Christian D. Natividad at City Administrator Joel S. Eugenio ang talakayan para sa pagsusulong ng proyekto, na nakatuon sa pagpapabuti ng imprastraktura at serbisyong pangisdaan sa lungsod.
Dumalo rin sa naturang koordinasyon sina City Agriculturist Dr. Romeo S. Bartolo, City Engineer Ricasol Millan, Engr. Paul Peter Papa, Engr. Redentor Dela Cruz, kinatawan ng City Planning and Development Coordinator na si Flordeliza Morales, gayundin sina Atty. Bernice Joyce Fernandez at Riza Jacqueline Sarmiento ng City Legal Office.
Itinatampok ng aktibidad ang patuloy na pakikipagtulungan sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos at PFDA sa pagsusulong ng pagpapabuti ng Panasahan Fish Port, na may layuning magbigay ng pinahusay na mga pasilidad at serbisyo at higit na suportahan ang sektor ng pangisdaan ng lungsod at mga lokal na komunidad ng mangingisda.
Sa pamamagitan ng mas maayos at pinahusay na pasilidad, inaasahang mas mapalalakas ang operasyon ng Panasahan Fish Port at masusuportahan ang kabuhayan ng mga mangingisda at iba pang stakeholder ng industriya ng pangisdaan sa Malolos. (UnliNews Online)
Source: Malolos City Information Office

