HINDI nasusukat sa naglalakihang gusali at malalaking puhunan lamang ang tunay na pag-unlad, kundi sa konkretong kabuhayang nararamdaman ng karaniwang Bulakenyo, ayon kay Gobernador Daniel Fernando sa pagbubukas ng Cooperative and Enterprise Month sa Kapitolyo.
Binigyang-diin ni Fernando na ang pag-unlad ay dapat nakikita sa patuloy na operasyon ng maliliit na negosyo, kita ng mga magsasaka at pagkakaroon ng sariling kabuhayan ng mga pamilya — mga layuning malaki ang ambag ng mga kooperatiba.
Dito sa Bulacan, malinaw ang direksyon — ekonomiyang nakasentro sa tao. Hindi lang pang malalaking negosyo kundi para sa lahat. Kaya nga libo-libong miyembro ng koop mula sa iba’t ibang bayan ang nakiisa sa parada mula Malolos Amphitheater hanggang Capitol Gym na ginanap noong Sabado (Oktubre 3, 2026).
Tama ang sinabi ng mga lider ng Cooperative Development Authority (CDA) na ang koop ay hindi lang negosyo, ito ay tungkol sa tao. Dito nabibigyan ng pagkakataon ang walang kolateral, ang maliliit, ang mga kapos. Dito sila nakakautang, nakakapag-ipon, nakakabangon.
Kung malakas ang pangkaraniwang pamilya, malakas ang Bulacan. At kung malakas ang kooperatiba, mas maraming Bulakenyo ang aangat.
Kaya maganda ang inilunsad na GoLab Koop Onboard Program – modernisasyon para mas bumilis at lumakas pa ang mga koop sa lalawigan.
Sa huli, kooperatiba ang tunay na sandigan ng karaniwang tao laban sa kahirapan.
Nakiisa at nagpahayag din ng suporta sa sektor sina Bise Gobernador Alexis C. Castro, Coop NATCCO Partylist Congressman Felimon M. Espares, Cooperative Development Authority (CDA) Chairperson Usec. Alexander B. Raquepo, CDA Regional Director Marieta P. Hwang, at dating Gobernador Roberto “Obet” Pagdanganan, na kinikilala bilang “Father of Modern Philippine Cooperativism.” (UnliNews Online)

