Friday, October 9, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsPinalawak na El Niño Task Force sa Bulacan tututukan ang seguridad sa...

Pinalawak na El Niño Task Force sa Bulacan tututukan ang seguridad sa tubig, pagkain sa tagtuyot

LUNGSOD NG MALOLOS — Maagap ang ginagawang paghahanda ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa inaasahang matinding tagtuyot, ngayong huling mga buwan ng 2026 hanggang sa mga unang bahagi ng 2027.

Pangunahin na rito ang mas pinalawak na saklaw ng kapangyarihan ng mga ahensiya ng pamahalaan at paglalahok sa mga pribadong concessionaires ng iba’t ibang public utilities bilang mga kasapi sa muling ibinalangkas na El Niño Task Force.

Iyan ang pinagtibay sa agarang pagpupulong ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) na ipinatawag ni Gobernador Daniel Fernando.

Ipinaliwanag ng gobernador na makatwirang mailahok ang mga pribadong concessionaires, partikular na ang mga nagsusuplay ng inuming tubig sa mga bayan at mga lungsod sa Bulacan.

Matatandaan na sa ilalim ng Bulacan Bulk Water Supply System, nagsisilbing water transmission facility ang Luzon Clean Water Corporation na humihigop ng tubig sa Angat Dam sa Norzagaray.

Mula roon, pinapaagos ang tubig patungo sa mga water distribution utilities upang makarating sa mga tahanan, paaralan, ospital at mga establisemento.

Ang naturang mga water transmission at distribution utilities ay pawang mga pribadong sektor, kaya’t minarapat ng PDRRMC na mailahok sila upang maging tuwiran ang pagtugon sakaling maging lubos ang pagbaba ng sublay ng tubig sa Angat Dam na ngayo’y nasa 207 metro.

Naipon ang mga tubig sa dam sa kasagsagan ng nagdaang mga bagyo at sinabayan ng mga habagat.

Mula sa 150.55 metro na naitala noong Hulyo 2026 na pinakamababa sa kasaysayan, umangat ito at umabot pa sa 208 metro kamakailan.

Para naman sa seguridad sa pagkain, iniulat ni Provincial Agriculture Office (PAO) Head Gloria Carillo na mangangailangan ng halagang mula P44.6 milyon hanggang P511.9 milyon depende sa epekto ng tagtuyot, upang hindi labis na maapektuhan ang mga suplay at naghahanapbuhay sa sektor ng bigas, high-value commercial crops at pangisdaan.

Kaya’t anim na pangunahing pagtugon ang iginayak ng PAO partikular ang pamamahagi ng mung bean o monggo, 4,334 hanggang 11,317 na mga bags ng pataba, 4,334 hanggang 11,317 na mga bote ng pestisidyo, 43 hanggang 73 units ng pump and engine sets, pagbibigay ng crop insurance para sa mga palayan mula 5,510 hanggang 14,933 ektarya o katumbas ng 4,334 hanggang 11,317 na mga magsasaka.

Iba pa rito ang pagkakaloob ng P5,000 financial assistance sa bawat magsasakang lubos na maaapektuhan.

Prayoridad naman ng Provincial Veterinary Office ang feed and forage security program na magsisilbing first line of defense upang matiyak na magiging tuluy-tuloy ang pakain sa naghahayupan, o mga nag-aalaga ng mga hayop na uubrang maging karne.

Kaugnay nito, pagtitibayin ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan ang isang ordinansa na mag-uubliga sa mga bagong establisemento na itatayo sa lalawigan na may laking 5,000 square meters ang lupang nasasakupan, na maglagay ng sariling water impounding and rainwater harvesting facilities.

Ayon kay Gobernador Fernando, malaking tulong ito upang makatipid sa binabayarang suplay ng tubig kung magkakaroon ng iba pang pagkukuhanan para panghugas ng pinagkainan, pangpalikuran, pandilig at iba pang pwedeng gamitan maliban sa panglaba at pang-inom.

Iniulat naman ni Bulacan Environment and Natural Resources Office Head Julius Victor Degala na nakabalangkas na ang isang memorandum of agreement sa pagitan ng pamahalaang panlalawigan at mga ahensiyang namamahala sa mga dams sa Bulacan, para sa paglikha ng isang Angat Watershed Forest Reserve Ecological Community (AWFREC).

Layunin nito na mapaigting ang pagpapatupad ng mga regulasyon kaugnay ng mga environmental and watershed management activities, policies at programs.

Kalakip nito ang mahigpit na pagbabawal sa pagtatayo ng anumang istraktura sa gilid, malapit o sa paligid ng isang deklaradong AWFREC sang-ayon sa umiiral na Water Code of the Philippines. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News