CAMP GEN ALEJO S SANTOS, Bulacan — Dahil sa mabilis na pagresponde ng mga pulis, dalawang suspek sa robbery hold-up ang naaresto ng mga awtoridad ng pulisya sa Meycauayan City makaraan ang pagtutok ng baril sa isang delivery man ng Lazada noong Huwebes ng hapon (April 27).
Kinilala ni Col. Relly Arnedo, Bulacan provincial director, ang mga naarestong suspek na sina Jayson Empasis y Valiente @Jayson, residente ng No. 34 Kanluran St. Brgy. Caingin, Meycauayan City, Bulacan at Leonard Dela Cruz y Tortusa @Onad, residente ng Blk 61 Lot 2 Magsaysay St Kamagong Upper Bicutan, Taguig City, parehong sakay ng Yamaha Mio Sporty na may improvised plate no.1301-0167836 ang mga suspek nang arestuhin.
Base sa inisyal na imbestigasyon, naghahatid ng parsela ang biktima nang harangin at tutukan ng baril ng mga suspek at nagdeklara ng hold-up dahilan para isuko ng biktima ang kanyang pera.
Agad namang naaresto ang mga suspek ng mga nag-follow up na pulis Meycauayan at nakakulong ngayon sa Meycauayan City Police Station para sa inquest proceedings.
Ayon kay Arnedo, pinalakas ng Bulacan PNP ang kanilang pagsisikap na labanan ang kriminalidad at itaguyod ang kaligtasan ng publiko sa lalawigan. Ang kanilang hindi natitinag na dedikasyon ay ipinakita sa pamamagitan ng kanilang agarang pagtugon, pagtugis sa mga labag sa batas na indibidwal, at pagpapatupad ng mga hakbang laban sa krimen. Ang mga pagkilos na ito ay alinsunod sa mga direktiba ni Brig. Gen. Jose S. Hidalgo Jr., PRO3 regional director. (UnliNews Online)