HANGGANG sa kasalukuyan ay hindi pa rin tayo iniiwanan ng mapaminsalang COVID-19. Dahil dito ay nais ko lang ibahagi sa inyo mga Katropa, ang ating mga nakakalap na impormasyon hinggil sa salot na ito, Mga istatistika sa ‘development’ ng COVID-19 (corona) sa buong Pilipinas bawat araw hanggang Mayo 2, 2023, ay tumataas pa rin ang impeksyon ng COVID-19 sa buong Pilipinas.
Gaano katotoo na batay sa ulat, milyon ang bilang ng mga taong positibong nahawahan ng COVID-19 sa buong Pilipinas. Ilang libo ng katao ang namatay, at libong katao ang ginagamot pa (positive active), at marami na ring pasyente ang idineklara na gumaling.
Heto pa ang ating napag-alaman mula sa isang ulat na ang pinakahuling datos mula sa DoH ay nagpakita na higit sa 700 bagong impeksyon sa Covid-19 ang naitala noong Abril 27. Ang pitong araw na positivity rate sa National Capital Region ay umakyat sa 14.3 porsyento bagaman nananatiling mababa ang paggamit ng ospital.
Ayon sa balita ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay hindi masyadong interesado sa muling pagpapataw ng mandatoryong pagsusuot ng maskara sa gitna ng bagong pagdagsa ng mga impeksyon sa Covid-19, mas pinili sa halip na palakasin ang mga pagsisikap sa pagbabakuna upang mapigilan ang pagkalat ng virus.
Sinabi pa ng Punong Ehekutibo, “we will have to conduct (vaccinations) again, especially for young people. We’ll have to conduct again a vaccination push,” sa isang maikling panayam, habang onboard the chartered Philippine Airlines flight, na maghahatid sa kanya at sa kanyang mga kasama patungong US.
Habang tumaas ang ‘positivity rate’ para sa Covid-19, ang “baseline ay nananatiling mababa,” aniya. Umaasa ang Punong Ehekutibo na ang bagong alon ng mga impeksyon ay hindi magiging dahilan upang muling ipatupad niya ang mandato ng pagsusuot ng maskara.
Tsk! Tsk! Tsk! Nasubukan na natin ang resulta ng pandemya. Marami ang nasawing buhay, huwag na nating hayaang ito ay magpatuloy pa. Hanggat maaari ay magsuot ng ‘face mask’ sa tuwing kayo ay lalabas ng bahay at pagpapanatili ng pagitan mula sa kapwa-tao. Kung mas malapit ka sa mas maraming tao, mas malamang na malantad ka sa ‘virus’ na nagdudulot ng COVID-19. Upang maiwasan ang posibleng pagkakalantad na ito, iwasan ang mga mataong lugar, o panatilihin ang distansya sa pagitan mo at ng iba.
Mas mainam na ang maging mailap at umiwas sa sakit na ito. Pairalin ang inyong nadarama ang inyong kutob, umiwas sa mga umpukan. Uulitin natin, ang ‘face mask’ ay napakahalagang pangsalag sa COVID-19, laging magsuot nito, ugaliing gumamit ng bago, malinis at hindi nangingitata sa duming maskara.
Ang inyong makatwirang kutob o pandama ang siyang magtataboy sa inyo palayo sa nakamamatay na COVID-19. Hanggang sa muli. (UnliNews Online)