CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Dalawang indibidwal na dating miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) ang boluntaryong sumuko at nagsuko ng isang baril at mga bala sa Bulacan 2nd Provincial Mobile Force Company, noong Lunes (Jan. 5), bandang alas-4 ng hapon sa 2nd PMFC Headquarters, Brgy. Sampaloc, San Rafael, Bulacan.
Ayon sa ulat ni Maj. Michael M. Santos, Acting Force Commander, kinilala ang mga sumuko na sina Ka Jaguar, 61 taong gulang na tricycle driver at Ka Clowie, 46 taong gulang at isa ring tricycle driver. Pareho silang residente ng Pandi Village 2, Brgy. Mapulang Lupa, Pandi, Bulacan.
Batay sa ulat, ang mga nabanggit ay kinilalang dating miyembro ng NAAC/KADAMAY. Sa kanilang boluntaryong pagsuko, kanilang isinuko sa kapulisan ang isang (1) shotgun na may tatak na Remington, Serial Number 450141, at limang (5) bala ng shotgun.
Sa kasalukuyan, ang mga surrenderees ay nasa constructive custody ng 2nd PMFC, Bulacan PPO para sa wastong dokumentasyon at paghahanda ng Custodial Debriefing Report. Layunin ng prosesong ito na makakalap ng mahahalagang impormasyon na maaaring magamit sa pagpaplano at pagsasagawa ng mga susunod pang law enforcement operations.
Ang naturang boluntaryong pagsuko ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Bulacan Police Provincial Office sa pamumuno ni Col. Angel L. Garcillano, Provincial Director, na isulong ang kapayapaan at kaayusan sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon sa mga indibidwal na piliin ang mapayapang landas at muling makapamuhay nang maayos sa komunidad. ( UnliNews Online)

