LUNGSOD NG MALOLOS – Isinarado ng Lalawigan ng Bulacan ang 2025 sa isang malaking tagumpay matapos itong kilalanin ng Department of Agriculture-Regional Field Office III (DA-RFO III) bilang Top Performing Province (Rank 1) sa pagpapatupad ng mga programa, proyekto, at gawain sa ilalim ng iba’t ibang pangunahing programa ng DA.
Pinuri ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mga manggagawa sa agrikultura, magsasaka, at extension workers ng lalawigan sa kanilang walang kapagurang dedikasyon, at idiniin na nagpapakita ang parangal ng sama-samang pagkilos ng mga nagta-trabaho sa likod ng mga programa upang palakasin ang sektor ng agrikultura ng Bulacan.
“Ang pagkilalang ito ay bunga ng pagsusumikap, pagtitiyaga, at pagkakaisa ng ating mga manggagawa sa agrikultura at mga magsasaka. Ang kanilang mga sakripisyo at dedikasyon ang siyang sumisiguro sa seguridad sa pagkain para sa Bulacan at sa buong rehiyon,” anang gobernador.
Nagbigay-pugay rin ang Pinuno ng Provincial Agriculture Office (PAO) na si Ma. Gloria SF. Carrillo sa mga Bulakenyong magsasaka, at inilarawan sila bilang gulugod ng tagumpay ng agrikultura ng lalawigan, at binigyang-diin na lahat ng programa na pinapatupad ng Pamahalaang Panlalawigan ay naka-angkla sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga magsasaka.
Bilang karagdagan sa pagkilala sa lalawigan, pinarangalan rin ng DA-RFO III ang mga Outstanding Agricultural Extension Workers (AEWs) sa rehiyon kabilang si Raymart C. Santiago ng Bulacan PAO na nakuha ang Top 4 para sa kanyang husay sa pagpapatupad ng mga programa sa high-value crops.
Samantala, nakuha rin ni Magdalena H. Angeles ng Municipal Agriculture Office ng Doña Remedios Trinidad ang Top 7 sa kaparehong kategorya. (UnliNews Online

