Friday, September 20, 2024
Amana Water Park
HomeUnliNews Bulacan3K residente sa Bulacan, tumanggap ng ‘tulong pinansiyal’ mula sa DSWD

3K residente sa Bulacan, tumanggap ng ‘tulong pinansiyal’ mula sa DSWD

SAN ILDEFONSO, Bulacan — Humigit kumulang tatlong libong residente sa Bulacan ang tumanggap ng tulong pinansyal mula sa Department of Social Welfare and Development sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).

Ito ay pinangasiwaan mismo ni Senador Imee Marcos na siyang Chairperson ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development.

Ayon kay Provincial Social Welfare and Development Office head Rowena Tiongson, sila ay mula sa mga bayan ng San Ildefonso, Norzagaray at Hagonoy kung saan tumanggap ng P3,000 ang bawat isa.

Karagdagan ito sa naunang ibinaba sa mga lungsod ng Malolos at San Jose Del Monte at bayan ng Bocaue nitong Abril.

Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga nag-iisa sa buhay, single parents, nawalan ng trabaho dahil sa pandemya, mga senior citizens na walang buwanang pensiyon, may kapansanan, magsasaka at mangingisda na naapektuhan ng mga nagdaang bagyo at iba pang indibidwal na pawang mga walang anuman sa buhay.

Binilinan naman ni Senador Marcos ang mga benepisyaryo na gamitin sa tama ang natanggap na ayuda upang maging ganap ang pagbangon.

Tugon din aniya ito ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang alalayan ang mga nasa sektor na ito sa gitna ng mataas na presyo ng bilihin.

Kaugnay nito, pinabaunan naman ng iba’t ibang klase ng Nutribun na dala ng Nutribus ang mga benepisyaryo.

Isa itong proyekto ng tanggapan ni Senador Marcos bilang pagsuporta sa muling pagbabalik ng Nutribun na ipinamamahagi ngayon sa mga national feeding program sa tulong ng Department of Science Technology at DSWD. (UnliNews Online)

Source: PIA Bulacan

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments