LUNGSOD NG MALOLOS — Target ng Sta. Maria branch ng Social Security System (SSS) na makolekta ng P1.5 milyon delinquency mula sa anim na employers sa isinagawang Run After Contribution Evaders (RACE) campaign.
Aabot sa 48 manggagawa ang mabebenipisyuhan sa paghabol sa mga hindi pagbabayad ng mga employer.
Inilahad ni SSS Sta. Maria branch head Mylene Siapno na sa kanilang datos noong 2022, umabot sa P2.5 milyon ang kanilang nakolekta mula P3.9 milyon target sa anim din na delinquent employer.
Ani Siapno, lima sa mga ito ang nakikipag-ugnayan na sa kanilang tanggapan habang ang natitirang isang employer ay nai-refer na sa kanilang legal department para sa pagsampa ng kaso.
Dagdag pa ni Siapno, anim pa ang kanilang isasailalim sa RACE campaign ngayong Hulyo.
Samantala, ibinalita ni SSS Luzon Central 2 Division Vice President Gloria Corazon Andrada na dahil sa maigting na RACE campaign ay tumaas ang delinquency collection ng Sta. Maria branch mula sa P27.32 milyon noong 1st quarter ng 2022 ay naging P38.40 milyon sa 2023 sa kaparehong panahon o katumbas ng 40.55 porsyento.
Sa current contribution collection, tumaas din ito mula sa P142.37 milyon noong 1st quarter ng 2022 ay naging P189.55 milyon sa kaparehong panahon o katumbas ng 33% pagtaas.
Samantala, tiniyak naman ni SSS Luzon Central Legal Department Head Vic Byron Fernandez, na nais nilang matulungan ang mga employer na matugunan ang reklamo sa hindi nila pagbabayad ng kontribusyon upang hindi na umano umabot pa sa pagsasampa ng kaso. (UnliNews Online)
Source: PIA Bulacan